Home NATIONWIDE Gasolinahang nagsara sa taas-presyo ng langis, sumirit na sa 425

Gasolinahang nagsara sa taas-presyo ng langis, sumirit na sa 425

158
0

MANILA, Philippines — Umabot na sa 425 gas stations sa buong bansa ang nagsara dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis dulot ng tensyon sa Middle East, ayon sa Philippine National Police (PNP).

Ayon kay PNP spokesperson Randulf Tuaño, tumaas ang bilang mula sa 387 na naitala noong nakaraang araw.

“Sa araw po na ito March 27, 2026, ang kabuuan ng nagsaradong gas stations ay umabot po ng 425. Kahapon, ito po ay bumaba sa numero na 387, ngunit ito ay nadagdagan sa araw na ito ng 38,” ani Tuaño sa press briefing.

Iniulat ng PNP na may kabuuang 14,485 gas stations sa bansa ang kasalukuyang mino-monitor.

Dagdag ni Tuaño, anim na kaso na may kinalaman sa hoarding, overpricing, trademark violation, at unfair competition ang naisampa sa iba’t ibang lugar kabilang ang Eastern Samar, Albay, Masbate, Davao del Sur, at Nueva Ecija.

Pinalakas din ng PNP ang presensya ng pulisya sa mga gasolinahan, supply depot, at iba pang critical infrastructure upang mapigilan ang iligal na aktibidad at matiyak ang tuloy-tuloy na access sa mahahalagang serbisyo.

Nakikipag-ugnayan din ang mga awtoridad sa Department of Energy at mga local price monitoring bodies upang bantayan ang suplay at presyo ng langis.

Hinimok ng PNP ang publiko na ipagpatuloy ang normal na gawain, maging responsable sa paggamit ng fuel, at umasa sa mga opisyal na anunsyo para sa mga update. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here