Home OPINION GASTOS SA PAGLUTAS NG BAHA SA M.M. SAGOT NI RSA

GASTOS SA PAGLUTAS NG BAHA SA M.M. SAGOT NI RSA

252
0

MUKHANG mabigat ang binitiwang pangako ng negosyante at kilalang pilantropo na si Ginoong Ramon See Ang na kilala sa bansag na RSA na sasagutin na niya ang lahat ng gastusin para tuluyang malutas na ang mga pagbaha sa Kamaynilaan.

Marami sigurong nakitang dahilan si RSA para magbitiw ng ganitong pangako, kabilang na syempre rito ang paghihinala ng Quezon City Government na ang pagtatayo raw ng MRT-7 na pinamahalaan ng kompanya ni Ang ang dahilan ng pagbaha sa Commonwealth Avenue nang manalasa ang Habagat na pinalakas ng tatlong magkakasunod na bagyo dahil napunta raw sa mga daluyan ng tubig ang mga debris nang ginagawa ang proyekto bukod pa sa baka tinamaan ng pagtatayo ng poste ang drainage system.

Mariing itinanggi ni Ang ang akusasyon at sa halip ay pinatunayang ang mga itinayong poste ay hindi nakaharang sa daluyan ng tubig na sinang-ayunan at pinatunayan naman ng Department of Public Works and Highways.

Ang mungkahi ni RSA ay kanyang ipinahayag nang makipagpulong siya kina Metropolitan Manila Development Authority Chairman Atty. Don Artes, Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian, Las Piñas City Mayor April Aguilar, Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon, at mga kinatawan ng DPWH.

Ayon sa kilalang negosyante, pinaimbestigahan niya ang pinagmumulan ng problema sa baha sa Metro Manila at nalaman niya na maraming mga proyektong pang-imprastraktura, ng gobyerno ang dahilan kaya naharangan ang daluyan ng tubig, partikular na rito ang Tullahan River na dumadaloy mula sa Quezon City, patungong Maynila, Caloocan, Malabon, Valenzuela, at Navotas.

Noon pa man ay nakita na rin ni RSA ang malaking problema sa Tullahan River kaya nga nangako siya ng pondong P1 bilyon noong 2019 para malinis ang naturang tulay bilang bahagi na rin ng rehabilitasyon ng Manila Bay.

Ngayon, hindi lang paglilinis ang mungkahi ng negosyante, kundi handa rin siyang ipagiba ang mga housing units at pampublikong paaralan na sumakop sa naturang ilog at kanya itong ipatatayong muli sa bibilhin din niyang mga lupa para malinis at mahukay ang Tullahan River.

Sa totoo lang kasi, hindi lang naman mga proyekto ng gobyerno ang naitayo na sumakop sa ilog kundi marami ring mga pribadong gusali ang nakapagtatakang nabigyan ng permiso na maitayo na halos sumakop na sa iba pang mga daluyan ng tubig, lalo na diyan sa Commonwealth Avenue.

Hindi naman maikakaila na posibleng maimpluwensya at makapangyarihan ang mga nasa likod ng mga naitayong pribadong gusali na sumakop sa mga daluyan ng tubig kaya kailangan talaga rito ang “political will” para sila gibain, tulad ng ginagawa ngayon ni Yorme Isko moreno sa Maynila na kahit sino pang maimpluwensiyang pulitiko ang nagtayo ng istruktura ng walang permiso at humaharang sa kalsada at bangketa, kanya itong pinagigiba.

Maaaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here