Home NATIONWIDE Gastusin sa gusali ng Senado lolobo sa P27B sa inflation

Gastusin sa gusali ng Senado lolobo sa P27B sa inflation

(c) Cesar Morales

Inamin ng Department of Public Works and Highway sa ikalawang pagdinig ng Senate committee on accounts hinggil sa lumobong halaga ng new Senate Building, na maaaring umabot pa sa halagang P25 hanggang P27 bilyon ang gastusin sanhi ng inflation.

Sa pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Senador Alan Peter Cayetano, sinabi ng DPWH na pinagbasehan ng total estimated cost ng proyekto ang 2021 rates at hindi kasama dito ang kasalukuyang halaga ng materyales.

“Iyong sinubmit namin na ‘yon, aaminin namin na ‘yon po ay hindi updated. So, sa term niyo pwede nating i-update ‘yon,” tugon ni DPWH Buildings and Special Projects Management Cluster project director Soledad Florencio kay Cayetano.

Hindi nagbigay ng sapat na pagtataya si Florencio pero sinabi ni dating DPWH Undersecretary Antonio Molano Jr. na maaring tumaas sa 20 porsiyento hanggang 25 porsiyento ang updated construction inflation rate.

“To my estimate, from the time the project was bid out, more or less 20 to 25 percent,” aniya

“Aabutin ng 25 (billion) to 27 (billion), including the cost of land, plus iyong inflationary cost kasama na po ,” giit niya.

Umabot sa P23.37 bilyon ang kabuuang halaga ng proyekto, na ginamit ang P8.9 bilyon sa core and shell ng gusali, P2.5 bilyon sa fit-out, P10.33 bilyon sa works to complete at P1.6 billion sa land acquisition.

Sa nakaraang pagdinig, nagkaroon ng palitan ng argumento sina Cayetano at Senador Nancy Binay hinggil sa kabuuang halaga ng konstruksiyon, na iginigiit ng huli na umabot lamang sa P73 bilyon na hindi kasama ang halaga ng lupa.

Hindi dumalo si Binay sa pagdinig.

Sa una, humingi ng paumanhin si Cayetano sa publiko sa pagsasabing na tatalakayin ang kanilang isyu ni Binay pagkatapos ng pagdinig.

“We just all have to remind ourselves: eyes on the ball. What is the ball? Simple lang, paano matapos ‘yong project na to,” aniya.

Inatasan niya ang DPWH na magkaroon ng muling pagtutuos ng halaga base sa umiiral na presyo sa merkado at lumikha ng episyenteng workflow at organizational chart na pananatilihin ang high construction standards.

“Ito po problema, nung sinubmit niyo additional submissions niyo, luma na ang presyo. Meaning that lagpas na sa P23 billion yung total project cost,” aniya.

“Ito ang ayaw naming mangyari. Ang pinagtalunan lang namin ni Senator Nancy Binay y’ung cost,” giit pa ni Cayetano.

Upang mabigyang linaw ang sitwasyon, ibingay ni Cayetano ang breakdown ng total budgetary cost ng proyekto at ang epekto ng paggamit ng “conservative 20 percent inflationary cost” na tinukoy ng DPWH.

Dahil sa mga variation order, ibinahagi ni Cayetano na kasalukuyang tumaas sa P8.6 bilyon ang estimated cost para sa Phase 1 mula sa orihinal na estimated cost nito na P8.067 bilyon

Bukod pa rito, sinabi rin ng senador na ang budgetary cost estimate ng Phase 2 ay maari pang tumaas sa P2.375 bilyon at ang P10.33 bilyong halaga ng Phase 3, ay kasalukuyang sinusuri.

Bilang tugon sa pag-amin ng DPWH, iginiit ng senador sa ahensya na tutukan ang layunin sa pagtayo ng NSB at tapusin ang pagtakda ng gastos batay sa 2024 price upang mapanatili ang pag-usad ng proyekto.

“Kayo ang technical, kayo ang nakakaalam. Simple lang: paano matapos sa soonest possible time [ang project na ito] na tamang presyo at tama ang pagkakagawa,” aniya.

“Get the final design, get the final costing,” dagdag pa niya. Ernie Reyes