LUMILITAW ngayon na naghahanap ang Senado ng isang presiding officer sa paglilitis sa kasong impeachment ni Vice President Sara Duterte.
Ang bagong mayorya sa Senado, lumilitaw na walang tiwala kay Senate President Sherwin Gatchalian na magiging presiding officer sa hindi pa malinaw na dahilan.
At may mungkahing maaaring si dating SP Chiz Escudero ang ilalagay sa pwesto dahil nakaranas na ito na maging bahagi ng Impeachment Court trial noon ni dating Chief Justice Renato Corona at naudlot na impeachment ni VP Sara nitong 2025.
Bakit din kaya hindi si Sen. Kiko Pangilinan na naging Senator Judge din sa kaso ni Corona at sa hindi natapos na kaso ni ex-President Erap Estrada?
MAGKAKALAT LANG?
Hindi mapasusubalian ang kakayahan ni Gatchalian bilang presiding officer at nakita na ito sa lahat ng pagkakataon kahit sa mga panahong isa siyang committee chairman ng Senate major committees at maging bilang SP ngayon.
Ngunit dahil hindi ito abogado, marami ang naniniwalang baka magkalat lang ito sa paglilitis.
At hindi nito makayanang gampanan ang gaya ng ginawa noon ni ex-Chief Justice Hilario Davide sa kaso ni Erap at ni namayapang SP Juan Ponce Enrile sa kaso ni Corona.
Sina Davide at Enrile, hindi nangailangan ng mga taga-bulong sa kanilang tabi kung ano ang sasabihin nila at kitang-kita silang mga eksperto bilang mga presiding officer ng impeachment cases.
Baka nga magkalat lang umano si SP Gatchalian lalo’t tiyak na iikot o sesentro ang lahat ng usapin sa paglilitis sa mga probisyon ng mga Konstitusyon, batas, jurisprudence o mga desisyon ng Supreme Court, kasama ang mga kaukulang international law.
Hindi umano makakayanan ni Gatchalian na hawakan ang mga komplikadong relasyon ng mga Konstitusyon, batas, jurisprudence at international law patungo sa conviction o acquittal at pagtiyak ng due process.
Maging ang komplikadong laro ng pulitika at paglalapat ng nasabing mga konstitusyonal at ligal na usapin.
Isang klarong palatandaan umano ang bigla niyang pagbura sa kanyang pahayag na kailangan ang 16 na boto ng Senator-Judges para magkaroon ng conviction sa kaso ngayon at hindi nito ipinaglaban ang kanyang pahayag.
HINDI MASISISI
Hindi naman masisisi ang mga senador, lalo na sa parte ng Senate majority, na maghanap ng ibang presiding officer dahil tahimik ang 1987 Constitution dito bagama’t sa tradisyon o praktis, ang SP ang presiding officer.
Sa tadhana ng 1987 Constitution sa kasong impeachment sa Article XI, Section 3, paragraphs 1 hanggang 8, walang probisyon para sa tiyak na magiging presiding officer bukod sa paragraph 6 na nagsasabing ang Chief Justice ang presiding officer kung ang Pangulo ng bansa ang nasasakdal.
Sa paragraph 8 makikita ang probisyon na may kapangyarihan ang Kongreso (Senado at Kamara), na magbuo ng mga patakaran nila at kasama na rito ang pagpili ng kaukulang presiding officer.
Paano nga kaya sosolusyunan problemang ito upang makamit ng bayan ang tamang due process at pagdedesisyon at hindi magkandawindang-windang lahat sa huli?






