MANILA, Philippines – Matinding pagkadismaya ang ipinarating ni Senador Sherwin Gatchalian sa ilang opisyal ng Bureau of Customs (BOC) at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa ibinasurang cigarette smuggling cases sanhi ng kamaliang teknikal.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian, chairman ng Senate committee on ways and means, na dapat patawan ng mabigat na parusang administratibo ang lahat ng opisyal na sangkot sa paulit-ulit na pagpapabaya sa pagsunod sa teknikal na alituntunin sa operasyon at pagsamsam ng kontrabandong produkto na nagresulta sa pagbasura sa kaso.
Bilang chairperson ng naturang komite, sinabi ni Gatchalian na sa isinagawang random na pagsusuri sa mga kasong isinampa laban sa smuggler, lumabas na ibinasura hindi dahil sa kawalan ng ebidensya kundi sanhi ng usaping teknikalidad.
“Nagkaroon nga ng operasyon at nasamsam ang mga smuggled na produkto pero natatalo tayo sa kaso dahil sa teknikalidad. Dapat bago pa ang operasyon ay plantsado na ito. Kahit pa malakas ang ebidensya at kampante tayo na mananalo, natatalo pa rin tayo kapag naisampa na ang kaso dahil sa mga isyung teknikal,” giit ng senador.
Upang maiwasan na mabasura ang mga kaso dahil sa teknikalidad, binigyang-diin ni Gatchalian na dapat sampahan ng administratibong kaso at parusahan ng naaangkop na kaparusahan ang mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at Bureau of Customs (BOC) na paulit-ulit na nagkakamali at hindi sumusunod sa tamang standard operating procedures.
Sa hindi bababa sa dalawang kaso na sinuri ng opisina ng senador, sinabi ni Gatchalian na ang isinagawang warrantless search ay idineklarang iligal kaya’t hindi tinanggap na ebidensya ang mga kahon ng sigarilyong nasamsam.
“Sa isa pang kaso, nabigong maipakita ng prosekusyon ang maayos na pag-uugnay ng mga dokumento sa importasyon at sa aktwal na pisikal na inspeksyon ng mga produkto, dahilan upang hindi mapatunayan ang ‘guilt beyond reasonable doubt,” ayon kay Gatchalian. Ernie Reyes