Home NATIONWIDE Gatchalian nag-alala sa pagtaas ng singil sa kuryente sa gitna ng paglobo...

Gatchalian nag-alala sa pagtaas ng singil sa kuryente sa gitna ng paglobo ng presyo ng bilihin

1
0

MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pag-aalala si Senate President Sherwin Gatchalian sa nakatakdang pagtaas ng singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Inanunsyo ng Meralco na aabot sa P15.0615 kada kilowatt-hour (kWh) ang singil sa kuryente ngayong Oktubre, mas mataas ng P0.3191 kada kWh kumpara sa P14.7424 noong Setyembre. Ayon sa kompanya, dulot ito ng mataas na presyo ng gasolina at iba pang fuel.

Samantala, naitala ng Philippine Statistics Authority ang 7.2 porsiyentong inflation noong Setyembre, ang pinakamataas na antas ngayong taon.

“Nakakagulat, dahil ang ating consumers right now, ang ating mga kababayan, hirap na hirap na sa pagbayad ng mataas na presyo ng bilihin lalo na ng bigas… Ngayon after tumaas ang inflation, tataas na naman nag singil ng Meralco in the coming few days,” ani Gatchalian sa pagdinig ng Senate Committee on Energy.

Binanggit din ng senador na pangalawa sa pinakamataas sa Southeast Asia ang presyo ng kuryente sa Pilipinas, kasunod ng Singapore.

Ipinunto rin niya ang mataas na singil sa kuryente sa Visayas at Mindanao sa kabila ng madalas na yellow at red alert sa mga power grid. Ayon kay Gatchalian, kabilang sa mga dahilan ang hindi maayos na paggana ng mga transmission line sa pagitan ng mga rehiyon.

“Itong Visayas grid parating nasa yellow o red alert. Hindi na matigil-tigil ito… At hindi lang yellow and red alert, mataas din ang presyo na binabayaran nila in Visayas and Mindanao,” diin niya.

“Hindi natin pwedeng palampasin ito. We need to have concrete solutions. Dahil January pa ito eh. Magtatapos na ang taon, ganito pa rin situation natin,” dagdag ng senador.

Hiniling ni Gatchalian sa Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na magsagawa ng wastong pag-audit sa mga fuel pass-through charge, na nagdaragdag ng gastos sa generation ng mga power generator at distributor sa singil sa kuryente.

Hinimok din niya ang dalawang ahensya na tiyakin ang maayos na transmisyon ng kuryente sa pagitan ng Luzon, Visayas at Mindanao. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here