MANILA, Philippines – Nagbabala ang Office of the Ombudsman sa mga netizen na mag-ingat sa umano’y propaganda campaign ng ilang social media influencer na naglalayong baluktutin ang katotohanan at iligaw ang publiko kaugnay ng mga kasalukuyang imbestigasyon sa korapsyon sa pamahalaan.
Naglabas ng babala si Ombudsman Jesus Crispin Remulla sa gitna ng umano’y agresibong aktibidad sa social media, kabilang ang pagpapakalat ng mga bayad na komento at reaksyon, gayundin ang paggamit ng mga pekeng account upang baluktutin ang opinyon ng publiko at impluwensiyahan ang pananaw sa mga iniimbestigahang kaso ng korapsyon.
“Social media, like Facebook, has become a channel for black propaganda. There are people who pay for comments, for reactions, and for fake accounts to make a lie look like the voice of the people,” ani Remulla.
“Our cases are not decided by trending topics, hashtags, or the loudest comment section,” dagdag niya.
Hinimok ni Remulla ang mga netizen na maging mapanuri at maingat sa mga nakikitang post sa social media, lalo na ang mga may kaugnayan sa mga alegasyon ng korapsyon.
Ayon sa kanya, dapat ibatay ang katotohanan sa mga opisyal na rekord, dokumentong inihain sa korte, at ebidensya.
“Let us not be fooled by people who pay for comments and reactions. If you want to know the truth, do not look at the comment section. Look at the documents. Look at the cases that have been filed. Look at the evidence,” ani Remulla.
“To those still hoping that time, money, connections, or a paid army online will save them: they will not,” babala pa niya.
Sa ngayon, nakapaghain na ang Office of the Ombudsman ng 39 na kaso sa mga korte kaugnay ng multibilyong pisong flood control scandal. Kabilang dito ang 35 kasong inihain sa Sandiganbayan at apat sa mga Regional Trial Court, na kinasasangkutan ng 52 akusado.
Ayon kay Remulla, binuo ang mga kaso sa pamamagitan ng pangangalap at pagsusuri ng mga ebidensya, kabilang ang mga kontrata ng pamahalaan, audit report, inspeksiyon sa mga proyekto, at mga rekord pinansyal.
Tiniyak din ng Ombudsman na nabigyan ng pagkakataon ang mga respondent na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanila. RNT/MDS