MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Panfilo “Ping” Lacson, chairman ng Senate Committee on Accounts, nitong Huwebes na may natitira pang P11 milyon sa nakalaang budget ng Senado para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, na sapat na umano upang matustusan ang nalalabing mga pagdinig.
Ayon kay Lacson, nagmula ang pondo sa P25.7-milyong continuing appropriation sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act (GAA). Umabot sa P27.5 milyon ang orihinal na alokasyon para sa paglilitis, ngunit nagastos na ang humigit-kumulang P2 milyon para sa mga toga ng mga senador-hukom at iba pang pangangailangan.
Sinabi naman ni Senate President Sherwin Gatchalian na P14.55 milyon, o humigit-kumulang P330,763 kada araw, ang nagastos sa loob ng 44 na araw ng paglilitis, kabilang ang mga buong araw na pagdinig.
“Ang huling kwenta ni Senate President, nasa mga P14 million plus pa lang ang nagagastos out of the P25 million na inabot namin,” ani Lacson sa panayam ng Super Radyo dzBB.
Dagdag niya, sapat na ang natitirang pondo dahil isang impeachment article na lamang ang haharapin at susunod na ang presentasyon ng depensa. Inaasahan din niyang may matitipid pang pera.
Kapwa itinanggi nina Gatchalian at Lacson ang pahayag na gumagastos ang Senado ng P25 milyon kada araw para sa impeachment trial.
Naglabas sila ng paglilinaw matapos sabihin ni Atty. Salvador Paolo Panelo Jr., tagapagsalita ng bise presidente, na tinatayang P500 milyon o P25 milyon kada araw ang nagastos sa loob ng 20 araw ng paglilitis para sa Articles I at IV.
Ayon kay Panelo, kung isasama ang iba pang gastusin at ang umano’y nasayang na sahod ng mga miyembro ng Kongreso na lumahok sa paglilitis, maaaring lumampas sa P1 bilyon ang kabuuang gastos ng publiko sa pagdinig sa mga artikulong kalaunan ay binawi.
Paliwanag ni Gatchalian, saklaw ng P14.55 milyong nagastos ang pagkain ng mga kawani sa mahahabang sesyon, mga suplay, overtime pay, at pagrenta ng lugar sa labas ng Senado para sa mga deliberasyon sa budget dahil ginagamit sa paglilitis ang karamihan sa mga silid ng Senado.
“The Constitution gives the Senate the sole power to try and decide all cases of impeachment. The Senate is fulfilling this duty as required by law,” ani Gatchalian.
Sinabi rin niyang pinalawig nila ang oras ng trabaho at naglaan ng buong araw para sa paglilitis upang umusad ito nang maayos nang hindi labis na naaantala ang gawaing lehislatibo at pang-araw-araw na operasyon ng Senado.
Noong Martes, inanunsyo ng prosecution panel na hindi na nito itutuloy ang Articles I, III at IV laban kay Duterte. Kaugnay ang mga ito ng mga alegasyon sa maling paggamit ng confidential funds, panunuhol, at grave threats.
Dahil dito, Article II na lamang ang itutuloy ng prosecution. Nakatuon ito sa mga alegasyong hindi ganap na idineklara ni Duterte ang kanyang mga ari-arian at hindi siya nag-divest sa mga interes sa negosyo, na nagdulot ng mga tanong tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Tinanggap naman ng Senate impeachment court ang pagbawi ng prosecution sa tatlo sa apat na impeachment articles. RNT/MDS