Home LIFESTYLE HEALTH 13 kaso ng Hepatitis A, kumpirmado sa Bukidnon; 59 iba pa, minomonitor

13 kaso ng Hepatitis A, kumpirmado sa Bukidnon; 59 iba pa, minomonitor

1
0

BUKIDNON, Philippines – Umabot na sa 31 ang kumpirmadong kaso ng Hepatitis A sa Valencia City, Bukidnon, habang patuloy na minomonitor ng mga awtoridad ang 59 pang pinaghihinalaang kaso upang mapigilan ang pagkalat ng sakit.

Batay sa pinakahuling datos ng City Health Office (CHO), 26 sa mga kumpirmadong kaso ay mula sa Barangay Lurugan at lima naman sa kalapit na Barangay San Carlos. Mayroon ding 48 indibidwal na nagnegatibo sa pagsusuri habang patuloy na bineberipika ng mga health personnel ang mga rekord ng pasyente.

Bilang tugon, nagtalaga ang pamahalaang lungsod, sa pamamagitan ng Environmental Sanitation and Occupational Health Section (ESOHS), ng mga pangkat para sa imbestigasyon ng mga kaso, edukasyong pangkalusugan, at inspeksiyon sa kalinisan ng mga nagtitinda ng pagkain at mga establisimyento.

Ayon kay Aron Rempohito Apostol, hepe ng Public Information and Assistance Division, pumasa sa microbiological standards ang tatlong sample ng tubig na sinuri at idineklarang ligtas noong Oktubre 12. Kinuha ang mga sample sa Lurugan National High School at sa mga residential area sa Purok 4 at Purok 13.

Matapos ang unang pagdami ng mga kaso, pansamantalang ipinagbawal ng mga opisyal ng Barangay Lurugan ang pagbebenta ng mga nakahanda at lutong pagkain ng mga ambulant vendor. Inalis ang restriksiyon noong Miyerkules kasabay ng paghihigpit sa pagpapatupad ng mga pamantayan sa kaligtasan ng pagkain.

Inaatasan na ngayon ang mga food handler na magkaroon ng balidong health card, magsuot ng hairnet, at gumamit ng face mask kapag masama ang pakiramdam.

Pinalalawak din ng CHO ang programang Water, Sanitation, and Hygiene in Schools upang itaguyod ang ligtas na inuming tubig, wastong paghuhugas ng kamay, at malinis na palikuran.

Nakikipag-ugnayan din ang pamahalaang lungsod sa mga ospital para masuri ang mga pinaghihinalaang pasyente at matiyak ang agarang paggamot at maaasahang resulta ng laboratory test.

Ang Hepatitis A ay isang nakahahawang impeksiyon sa atay na dulot ng virus. Karaniwan itong naipapasa sa pamamagitan ng kontaminadong pagkain o tubig, o malapit na pakikisalamuha sa taong may impeksiyon.

Pinapayuhan ang publiko na madalas maghugas ng kamay, uminom lamang ng ligtas na tubig, panatilihin ang kalinisan sa paghahanda ng pagkain, at agad magpatingin sa doktor kapag nakararanas ng mga sintomas. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here