Home NATIONWIDE Gatchalian umayaw sa impeachment vs Sara: ‘Sagabal sa pagpasa ng priority bills’

Gatchalian umayaw sa impeachment vs Sara: ‘Sagabal sa pagpasa ng priority bills’

MANILA, Philippines- Mistulang tinabla ni Senador Win Gatchalian ang proseso ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte dahil makasasagabal umano ito sa deliberasyon ng priority bills na nakahain at ihahain sa Senado.

Sa panayam, sinabi ni Gatchalian na isang pangunahing posibleng komplikasyon ng impeachment trial sakaling maisampa sa Senado ang impeachment complaint laban kay Duterte, ang pagpapatigil ng lahat ng deliberasyon sa nakasalang na panukalang batas.

“Ang nakikita kong komplikasyon diyan yung pag umakyat ang impeachment. Marami tayong mga priority measures, mga batas na gusto natin tapusin, tingin ko babagal yan o baka hindi na matalakay,” ayon kay Gatchalian sa panayam.

“Dahilan yung concentration, yung focus, yung research, bubuhos talaga dito sa impeachment,” giit pa niya.

Sinabi pa ni Gatchalian na lubhang nakakapagod ang impeachment proceedings sa lahat ng mambabatas partikular sa senador na magsisilbing hukom sa impeachment court.

“Dahil itong impeachment, masalimuot,” aniya.

Bukod dito, magiging abala ang ilang mambabatas sa paparating na May 2025 elections, kapag nagsimula ang campaign period.

“Tapos ang campaign period, tatlong buwan yan. So ang pinaguusapan na lang natin, halos dalawang buwan. So dapat tignan din yung aspeto na yan kung mayroon pang oras o hindi,” aniya.

Nahaharap si Duterte ng dalawang impeachment complaint sa Kamara matapos mabigong maipaliwanag kung paano ginastos ang multi-milyong confidential funds bukod sa lantarang pagbabanta sa ilang matatas na opisyal. Ernie Reyes