Home METRO GenSan unang nakapagtala ng 100% jeepney consolidation

GenSan unang nakapagtala ng 100% jeepney consolidation

MANILA, Philippines- Pinuri ni Transportation Secretary Jaime Bautista nitong Lunes ang 100 porsyentong consolidation rate sa General Santos City, sa unang pagkakataon sa buong bansa.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Bautista na modernisado na ang ilang public utility vehicles sa lungsod, sa imbitasyon sa local business leaders na mamuhunan sa public transportation ng bansa.

“Napag-alaman ko na simula nung inilunsad ang public utility vehicle (PUV) modernization program (PUVMP) noong 2017, sumunod na ang General Santos sa pagtalima at pag-modernize ng inyong pampublikong sasakyan,” aniya sa isang pulong kasama ang road sector sa General Santos City.

Sa isa namang pulong kasama ang General Santos City Chamber of Commerce and Industry, nanawagan si Bautista sa private sector na mamuhunan sa transport projects ng pamahalaan na naglalayong paghusayin ang mobility at connectivity, partikular sa mga probinsya.

“We invite business leaders inside this room to join us in this transformation of the country’s transport system,” anang opisyal.

Kabilang sa nasabing transport projects ang posibleng pagpapalawig ng General Santos Airport para karagdagang international flights at pagpapalakas ng local tourism ng lungsod.

“While land acquisition for its expansion is ongoing, we need your support to build new hotels, resorts, restaurants, and more,” patuloy niya.

Gayundin, sinabi ni Bautista na sinisilip ng Philippine Ports Authority (PPA) na pagandahin ag Makar Port upang pagbutihin ang passenger at trade movement sa nasabing daungan.

“I encourage you to discuss any proposals with our maritime sector officials,” panawagan niya. RNT/SA