Home HOME BANNER STORY Gentleman’s deal sa pagitan ng Pinas, Tsina pinabulaanan ng ex-AFP chief ni...

Gentleman’s deal sa pagitan ng Pinas, Tsina pinabulaanan ng ex-AFP chief ni Digong

MARIING itinanggi ni National Security Adviser Eduardo Año na may nabuong “gentleman’s agreement” sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa West Philippine Sea (WPS) sa ilalim ng liderato ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.

Giit ni Año, walang pruweba na makapagpapatunay sa di umano’y kasunduan ng Pilipinas sa Tsina para panatilihin ang status quo sa WPS.

“The Chinese have always talked about the gentleman’s agreement pero they cannot show anything na mayroon talaga, even a document, or even identify somebody who said that we particularly entered into that gentleman’s agreement,” ayon kay Año, dating chief-of-staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Ang pahayag na ito ni Año ay bilang tugon sa sinabi ni dating presidential spokesperson Harry Roque na may verbal agreement si dating Pangulong Duterte sa China na pananatilihin ang status quo sa WPS.

Ang nasabing agreement ay nagbabawal sa Pilipinas na magsagawa ng anumang pagko-konstruksiyon at pagkukumpuni ng mga instalasyon sa inookupa nitong mga isla sa WPS pero hindi umano ito binding o wala ng bisa na maaring magamit sa panibagong administrasyon ni Pangulong Marcos.

Nilinaw rin ni Roque na hindi sakop ng kasunduan ang paghatak o pag-alis sa BRP Sierra Madre mula sa Ayungin Shoal.

Muli namang inulit ni Año ang posisyon ni Pangulong Marcos na hindi nito isusuko sa mga dayuhang ang teritoryo ng Pilipinas kabilang na ang maritime domain.

“For the meantime, we will fight for our rights, we will make sure that we are protecting our territorial integrity and ensuring our sovereign rights within our EEZ (exclusive economic zone),” diing pahayag ni Año.

Sa kabilang dako, tatalakayin naman ni Pangulong Marcos kay United States (US) President Joe Biden ang pinakabagong developments sa South China Sea (SCS).

Nakatakda kasing bumisita si Pangulong Marcos sa Washington ngayong buwan.

Ani Año, kabilang ang isyu ng SCS sa magiging paksa na babanggitin ni Pangulong Marcos sa bilateral meeting nito kay Biden sa Estados Unidos sa Abril 11.

Tiniyak din aniya ng US government sa administrasyong Marcos ang commitment nito na “help and support [the Philippines],” sa oras na tumaas at umiigting ang tensiyon sa pinagtatalunan at pinag-aagawang katubigan.

Tinuran pa ni Año na bukas ang Estados Unidos na muling i-activate

ang Mutual Defense Treaty (MDT) sa Pilipinas.

Ang mutual defense treaty ay isang pormal na kasunduan sa pagitan ng dalawang soberanong bansa, kung saan sila nangako na magbigay ng tulong sa oras atakihin ang isa ng tinatawag na “external party.”

Samantala, nakatakda namang lumipad patungong Estados Unidos si Pangulong Marcos para dumalo sa kauna-unahang first trilateral Summit kasama si Biden at Japanese Prime Minister Fumio Kishida sa Abril 11 para pag-usapang ang malawakang usapin kabilang na ang economic at security cooperation. Kris Jose