Home NATIONWIDE LTFRB target pagpaliwanagin ng solon sa dumaraming MC Taxis

LTFRB target pagpaliwanagin ng solon sa dumaraming MC Taxis

PLANO ni Manila 3rd District Congressman Joel Chua na paimbestigahan at ipatawag sa Kongreso ang Land Transportation and Regulatory Board (LTFRB) upang sagutin ang mga isyu partikular na ang paglobo ng bilang ng mga motorcycle (MC) taxi sa Metro Manila sa kabila ng wala pang batas at nagtatakda ng mga regulasyon gayundin ang resulta sa limang taon nang isinasagawang pilot study nito.

Sa ginanap na pulong balitaan na dinaluhan ni Cong. Chua kasama ang lider at kinatawan ng iba’t-ibang sektor ng transportasyon, inihayag nito na nais niyang imbitahan sa pagdinig na kanyang ihahain ang Technical Working Group (TWG) ng Department of Transportation (DOTr) at LTFRB na parehong pinamumunuan ni Chairman Teofilo Guadiz.

Sinabi ng mambabatas na nais niyang marinig mismo kay Guadiz kung makatuwiran ang isinusulong na pagdaragdag ng bagong 8,000 MC taxi at apat pang kompanya na taliwas aniya sa kanilang napagusapan sa naganap na pagpupulong sa TWG na nagsasagawa ng pilot study nito.

“Hiniling namin na ang moratorium para magkaroon muna ng pagkakataong maresolba ang hinaing ng iba’t ibang grupo. Pero imbes na kami’y pakinggan, dinagdagan pa ang motorcycle taxis sa loob ng nagsisikip na Metro Manila,” pahayag ni Chua.

“Panatilihin po muna ang orihinal na 45,000 cap para sa Motorcycle Taxis, upang hindi ito magdulot ng karagdagang sa sikip ng trapik at problema sa kabuhayan ng iba pang namamasada. Lahat ng sobra sa cap na ito ay ating dalhin sa mga bagong siyudad at probinsya, kung saan mas marami pa tayong matutulungan.” dagdag pa ng mambabatas.

Nagkaisa naman ang iba’t-ibang grupo ng stakeholders na ipanawagan na sa sa Malacanang na pakinggan ang kanilang hinaing at pangamba sa magiging masamang epekto sa kanilang hanapbuhay kapag dumami ng husto na lagpas na sa limitasyon ang MC taxi sa Kamaynilaan.

Kinuwestiyon din nila kung puwedeng magkaroon ng dobleng prangkisa ang isang kompanya tulad ng Grab na mayroon ng Move It ay nais pang ipasok sa pilot study ang Grab Bike.  RNT