Home NATIONWIDE Renewable energy push pinaboran ng 68% ng Pinoy

Renewable energy push pinaboran ng 68% ng Pinoy

MANILA, Philippines – MAHIGIT kalahati ng mga Filipino ang ‘satisfied’ sa Inisyatiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ilipat ang paggamit ng enerhiya ng bansa sa renewable energy (RE).

Base sa resulta ng first quarter survey of Publicus Asia Inc.na isinagawa mula Marso 14 hanggang 18, 2024, nakatanggap ang administrasyong Marcos ng 68% approval rating para sa pagtutulak nito sa renewable energy lalo pa’t layon ng pamahalaan na makamit ang RE mix targets na 35% sa taong 2035 hanggang 50% sa taong 2050.

Nauna rito, iniulat ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual na ang 51 mula sa 59 proyekto na inendorso para sa green lane treatment ay nasa renewables sector.

Ang 51 renewable energy (RE) projects na may green lane certification ay nagkakahalaga ng P1.57 trillion.

Lumabas din sa survey ng Publicus Asia na may 65% ng mga respondents ang nagpahayag ng pagsang-ayon para sa pagsisikap ni Pangulong Marcos na ibaba ang presyo ng bigas.

Sa ulat, tiniyak naman ng Pangulo sa publiko na ginagawa ng gobyerno ang lahat ng makakaya nito para siguraduhin na sapat ang suplay ng bigas at matatag ang presyo ng bigas sa bansa.

“Ginagawa natin lahat upang naman ang produksyon natin ay maging sapat na hindi na tayo nag-iimport, mababawasan ang mga inputs, kung tawagin para sa ating mga farmer at sana naman ay ma-stabilize man lang natin ‘yung presyo ng bigas,” ayon sa Chief Executive.

Lumabas pa rin sa survey na 4 mula sa 10 Filipino ang suportado ang panimula ng Bagong Pilipinas, na “brand of governance at liderato” ng administrasyong Marcos, Inilalarawan bilang “principled, accountable, at dependable government” pinagtibay ng pinag-isang institution ng lipunan.

Gayunman, sinabi ng Publicus Asia, na ang ‘inflation’ ang nananatiling “most pressing issue” sa bansa, labis na nakaaapekto sa overall performance ni Pangulong Marcos sa 29%.

Samantala, inaasahan naman ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang March 2024 headline inflation na papalo sa 3.4 hanggang 4.2%

Ayon sa Development Budget Coordination Committee (DBCC), kailangan na paigtingin ng gobyerno ang implementasyon ng estratehiya sa ilalim ng Reduce Emerging Inflation Now (REIN) Plan upang matiyak na ang inflation ay mananatili sa loob ng target band na 2 hanggang 4 % sa 2028.

Ang “Pahayag 2024 First Quarter Survey” ay isang independent at non-commissioned survey na may 1,500 respondents sa buong bansa. Kris Jose