MANILA, Philippines – ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Associate Justice Geraldine Faith Econg bilang bagong Presiding Judge ng Sandiganbayan.
Ang appointment ni Econg, nilagdaan ni Pangulong Marcos nito lamang Enero 7, kinumpirma ng Malakanyang Miyerkules ng gabi.
Papalitan ni Econg si Amparo Cabotaje-Tang, na nagretiro noong Nobyembre ng nakaraang taon bilang hepe ng anti-graft court.
Isang seasoned jurist, itinalaga si Econg bilang associate justice ng Sandiganbayan noong 2016.
Hinawakan din niya ang iba’t ibang judicial roles, kabilang na rito ang pagiging presiding judge ng Regional Trial Court (RTC) Branch 9 sa Cebu City mula 2004 hanggang 2010.
Sa kabilang dako, si Econg ay nakatakdang magretiro mula sa Sandiganbayan sa Aug. 6, 2037.
Ang Sandiganbayan ay isang natatanging hukuman na lilitis sa mga kriminal at sibil na kaso ng katiwalian na ginawa ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan at opisyal ng mga korporasyong pag-aari at pinamamahalaan ng gobyerno ng Pilipinas.
Mahalagang tungkulin ng Sandiganbayan na pangalagaan ang integridad ng mga pampublikong opisina. Pinapapanagot nitó ang mga tiwaling opisyal at kawani na lumalabag sa batas laban sa korupsiyon at pagnanakaw sa kaban ng bayan. Kris Jose