Home NATIONWIDE ‘Ghost’ Health Center pagaganahin ng DOH

‘Ghost’ Health Center pagaganahin ng DOH

295
0

MANILA, Philippines – Naghahanap ng mga paraan ang Department of Health (DOH) upang gawing ganap na gumagana ang mga tinatawag na “ghost” o non-operational health center bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap na palakasin ang pangunahing sistema ng pangangalaga sa kalusugan ng bansa.

Sa isang pahayag nitong Martes, sinabi ni DOH Secretary Teodoro Herbosa na kasalukuyan nilang isinasagawa ang audit sa mga health facility sa buong bansa upang matukoy ang mga naitayo ngunit hindi pa nagagamit o hindi nagamit dahil sa kakulangan ng mga tauhan, kagamitan, o tamang accreditation.

Ayon kay Herbosa, 70 porsiyento lamang ng 600 center na itinayo sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program ang kasalukuyang gumagana.

Paliwanag niya, alinsunod sa kasunduan sa DOH, ang mga local government unit (LGU) ang may pananagutan sa pagkuha ng mga kawani na magpapatakbo ng mga health center.

Maari naman aniya itong i-tap dahil may national health workforce system ang DOH, tulad ng Doctors to the Barrios (community doctors) program.

Dagdag pa ni Herbosa, maaaring patakbuhin ng DOH ang mga health center sa pamamagitan ng kanilang mga personnel, basta’t may kasunduan sa mga mayor na hindi ito mapatakbo dahil sa personal services cap.

“Maari kong kunin at pamahalaan sa pamamagitan ng DOH personnel, ngunit ang LGU pa rin ang nagmamay-ari ng health center,” paliwanag ng kalihim.

Isa pa sa mga opsyon, ayon kay Herbosa, ay ang pakikipagtulungan ng DOH sa pribadong sektor upang mapagana ang mga naturang pasilidad. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here