LUMALAKAS ang panawagan laban sa illegal online gambling. Kamakailan, nanindigan ang CitizenWatch Philippines na panahon na para sabay-sabay na kumilos ang mga ahensya ng gobyerno at tapusin ang operasyon ng mga sindikatong patuloy na nagpapahirap sa bansa.
Ayon kay Orlando Oxales ng CitizenWatch, dapat agarang kumilos ang Department of Information and Communications Technology at National Telecommunications Commission para pigilan ang pag-access sa mga iligal na site. Kasabay nito, tungkulin naman ng National Bureau of Investigation at Department of Justice na kasuhan ang mga operator, habang kailangang kumilos ang Philippine National Police para hulihin ang mga sangkot.
Hindi ito maliit na problema. Batay mismo sa datos ng Philippine Amusement and Gaming Corporation, tinatayang nasa 250 hanggang 300 illegal offshore gambling firms ang nag-o-operate sa bansa. Mas marami na ito kaysa sa mga lisensyadong kompanya. Bunga nito, mahigit P100 bilyon ang nawawala sa kaban ng bayan taun-taon, ayon sa Department of Finance.
Bukod sa butas sa kita ng gobyerno, ang patuloy na paglago ng iligal na operasyon ay nagdudulot ng seryosong banta gaya ng human trafficking, financial scams, at iba pang krimen na sumisira sa seguridad ng bansa
Ipinakita sa artikulo ni Atty. Marie Antonette Quiogue na limitado ang kapangyarihan ng PAGCOR. Regulation lamang ang kaya nitong hawakan at ang tunay na enforcement ay nasa kamay ng NTC, NBI, DOJ, at PNP. Dito malinaw na kung hiwa-hiwalay ang pagkilos ay hindi masusugpo ang problema.
Sa halip na magturuan, dapat sabay-sabay ang galaw. Ang illegal online gambling ay hindi lamang usapin ng sugal. Ito rin ay usapin ng ekonomiya at seguridad. Kung papayagan pang lumawak ang kanilang impluwensya, mas lalaki ang lugi ng bayan at mas lalo pang binabaon sa peligro ang mga ordinaryong Pilipino.






