Inihayag ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na paghahandaan nilang mabuti ang second window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers.
Sinabi ni Cone na sa darating na Pebrero 16 ay magsisimula ang kanilang training camp upang mapaghandaan ang qualifiers.
Ayon pa kay Cone, sa inisyal nilang plano gaganapin sana ito kahapon (Pebrero 11), subalit nagkaproblema pa ang ilang mga schedule ng mga manlalaro.
Ilan sa mga hinihintay na manlalaro ni coach Tim Cone na galing pa sa liga sa Japan ay sina AJ Edu, Dwight Ramos at Quentin Millora-Brown habang ang mga manlalaro na galing pa sa Korea ay sina Kevin Quiambao at Carl Tamayo.
Dalawang laro ng Gilas ang gaganapin sa bansa, ang una ay sa Pebrero 26 laban sa New Zealand habang sa Marso 1 naman ay laban sa Australia na parehas na gaganapin sa Mall of Asia Arena.JC