MANILA, Philippines — Nalasap ng Gilas Pilipinas women ang 49-point beating sa kamay ng World No. 3 France, 115-66, sa Women’s World Cup Qualifying Tournament sa Astroballe sa Villeurbanne, Lyon.
Matagumpay na nadepensahan ng French ballers ang home court nang manalo sila sa lahat ng apat na quarters sa dominanteng panalo.
Pinalakas ni Dominique Malonga ang France na may 21 puntos at siyam na rebounds para pangunahan ang anim na manlalaro sa double figures. Si Alexia Cherry ay nagtala ng 16 markers, habang si Migna Toure ay may 14.
Humahabol ng tres ang Gilas, 4-7, sa unang bahagi ng laro.
Ngunit tumakas ang France sa pamamagitan ng backbreaking 26-5 run na bumasag sa laro, 33-9, sa second quarter.
Isang and-one play at dalawang 3-pointers ni Janine Pontejos ang pumutol sa pagtakbo ng France sa pamamagitan ng 9-4 blitz, ngunit hindi napigilan ang home squad.
Lumaki ang kalamangan sa 51 puntos, 91-40, pagkatapos ng deuce ni Aminata Gueye.
Sina Janelle Salaun, Valeriane Ayayi at Marine Johannes ay gumawa ng 13, 11 at 10 markers, ayon sa pagkakasunod, para sa nanalong koponan.
Pinangunahan ni Sumayah Sugapong ang mga Pinay na may 13 markers. Nag-backsto si Afril Bernardino na may 12 puntos at anim na rebounds bago nag-foul out pagkatapos ng 19 minutong laro.
Babalik sa aksiyon ang mga Pinay laban sa World No. 12 Germany sa Biyernes ng madaling araw (oras ng Maynila).