Bulacan- Patay ang isang ginang na tumawid sa kalsada matapos dalawang beses aksidenteng masagasaan ng mga sasakyan sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ng pulisya ang kalunos-lunos na biktimang itinago sa pangalang Adet, 46, may-asawa, residente ng Brgy. San Roque.
Sa report ng SJDM police station, naganap ang insidente bandang alas-7:30 ng gabi nitong Abril 1 sa bahagi ng Purok 3, Brgy. San Roque.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon, tumatawid ang biktima sa kalsada nang mabangga ng kumakaripas na tricycle kaya bumulagta ito sa kalsada na hindi man lang hinintuan ng hindi nakilalang rider.
Sa kasamaang-palad, isang paparating na Mirage G4 GLC 1.3G MT na minamaneho ng isang nagngangalang Ram, 48, residente ng Montalban, Rizal ang aksidenteng sumagasa muli sa nakahandusay na biktima.
Nabatid na kinalakad ng aabot sa 7.5 kilometers ang biktimang sumabit sa ilalim ng kotse mula sa pinagbulagtaan nito bago matuklasan ng driver, ayon na rin sa report.
Nagtataka umano ang driver na may maingay sa ilalim ng minamanehong sasakyan kaya huminto ito at tinignan hanggang sa tumambad sa kanya ang nagkalasog-lasog na biktima.
Agad tumawag ng saklolo ang driver sa barangay at rescue team na agad rumesponde sa lugar subalit wala na itong buhay.
Boluntaryong sumuko ang driver na nahaharap sa kaukulang kaso habang nangangalap ng CCTV footage at ng mga saksi ang pulisya para makilala at mapanagot din sa batas ang tumakas na trike driver. Dick Mirasol III