
ISANG malaking tagumpay para sa mas nakararaming Overseas Filipino Workers (OFWs) ang naging desisyon ng Supreme Court (SC) na permanenteng nagpapatigil sa Social Security System (SSS) sa sapilitang advanced monthly premium payment ng OFWs papaalis ng bansa.
Sa isang 40 pahinang desisyon na isinulat ni associate justice Maria Filomena Singh, pinagtibay ng SC ang konstitusyonalidad ng ilang probisyon ng Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018 at ang mga alituntunin at regulasyon nito, maliban sa probisyon na nagpapataw ng obligadong advanced SSS payments sa mga land-based OFW na aalis ng bansa.
Nakasaad sa desisyon na hindi maaaring ipatupad ng SSS, Philippine Overseas Employment Administration (POEA), at Department of Labor and Employment (DOLE) ang Rule 14, Section 7 (iii) ng implementing rules and regulations (IRR) ng R.A. No. 11199 dahil ito ay lumalabag sa karapatang ari-arian at karapatan sa malayang paglalakbay na nakasaad sa Konstitusyon ng 1987.
Isinasaad ng Rule 14, Section 7 (iii) na:
“Para sa mga land-based OFW sa mga bansang walang anomang Social Security Agreement (SSA) o Bilateral Labor Agreement (BLA) sa Republika ng Pilipinas, ang mga hakbang para ipatupad ang compulsory coverage ay kinabibilangan, ngunit hindi limitado sa, pagkolekta ng kontribusyon ng POEA at/o mga kinauukulang ahensya ng DOLE, sa pamamagitan ng proseso ng dokumentasyon at deployment gaya ng pag-isyu ng Overseas Employment Certificate (OEC).”
Binigyang-diin ng SC na ang pagpapatupad ng compulsory coverage sa mga land-based OFW sa pamamagitan ng pag-isyu ng OEC ay labis na mapang-api, hindi makatuwiran, at salungat sa Konstitusyon.”
Binanggit ng SC na ang nasabing probisyon ay salungat sa mandato ng Konstitusyon na protektahan ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.
Ayon pa sa SC, hindi maaaring obligahin ang mga Filipino na hindi pa umaalis ng bansa para magtrabaho sa abroad na magbayad nang advance ng kanilang SSS contributions dahil teknikal na, hindi pa sila itinuturing na OFWs.
Naglalagay umano sa labis na pasanin ng mga OFW ang patakaran ng SSS kaya naman napipilitan silang mangutang upang matustusan ang kanilang mahal na deployment expenses.
Ang desisyon ay base sa petisyong inihain ng Migrante International at mga party-list group na Bayan Muna, Gabriela, ACT-Teachers, at Kabataan. Hiniling nilang mapawalang-bisa ang subsections (a), (c), at (e) ng Section 9-B ng R.A. 11199 at ang Rule 14, Sections 1, 5, 5.a, 5.b, 6, 7 (iii), at 7 (iv) ng IRR ng batas dahil sa paglabag sa equal protection clause, hindi makatarungang pag-agaw sa ari-arian, paglabag sa karapatang maglakbay na ginagarantiyahan ng Konstitusyon, at pagiging mapang-api.
Maliban sa mandatory SSS contributions sa mga land-based OFW, inirereklamo rin ng Migrante ang mandatoryong bayarin tulad ng Philippine Health Insurance Corporation, insurance, at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) membership.
Sa tinatayang 2.33 million na OFWs nitong 2024, nasa 1.75 million ang land-based habang nasa 580,000 ang sea-based.