Home HOME BANNER STORY IBP: 12 senador na quorum sa sesyon, balido ayon sa SC ruling

IBP: 12 senador na quorum sa sesyon, balido ayon sa SC ruling

3
0

MANILA, Philippines — Iginiit ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na legal at balido ang sesyon ng Senado noong Hunyo 3 kahit 12 senador lamang ang dumalo, batay sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Avelino v. Cuenco noong 1949.

Sa inilabas na pahayag nitong Huwebes, sinabi ng IBP na ang mga aksyon, resolusyon at desisyong ginawa sa naturang sesyon, kabilang ang paghalal kay Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate president pro tempore at pagtatalaga ng mga bagong pinuno ng komite, ay itinuturing na opisyal at may bisa.

Ipinaliwanag ng grupo na sapat ang pisikal na presensya ng 12 senador upang makabuo ng quorum dahil may dalawang senador na hindi maaaring piliting dumalo sa sesyon at hindi maituturing na available sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Ayon sa IBP, hindi isinama sa quorum count sina Sen. Jinggoy Estrada, na kasalukuyang nakakulong kaugnay ng kasong plunder, at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, na hindi matukoy ang kinaroroonan.

Dahil 22 senador lamang ang itinuturing na available, sinabi ng IBP na sapat na ang presensya ng 12 miyembro upang makabuo ng quorum.

Naganap ang sesyon matapos hindi dumalo ang mga miyembro ng Cayetano-led majority bloc sa plenaryo sa ikatlong magkakasunod na araw. Gayunman, dumalo si noo’y Senate President Francis Escudero at nakisama sa 11 miyembro ng minority bloc, dahilan upang maideklara ang quorum.

Ayon sa kampo ni Gatchalian, ang quorum ay “determined based on the number of members who are legally able to discharge the functions of the Senate.”

Dagdag pa niya, ito ay “in full accord” sa pasya ng Korte Suprema “that an absolute majority of 12 out of the 23 members can constitute a constitutional majority of the Senate for quorum purposes.” Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here