MANILA, Philippines- Arestado ang isang 38-anyos na ginang matapos masabat ng mga pulis at kawani ng Commission on Elections (Comelec) sa isinagawang checkpoint sa Barangay Poblacion, Science City of Muñoz, Nueva Ecija, bandang alas-9:20 ng umaga nitong Linggo.
Ang ginang na residente ng Barangay Calipahan, Talavera ay inaresto ng mga awtoridad dahil sa pagdadala ng nasa ₱1,650,000 cash na malinaw na paglabag sa Section 28 ng Comelec Resolution 11104 o violation of money ban.
Ayon kay Jose Ramiscal, election officer sa Science City of Muñoz, mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng cash na lalampas sa P500,000, dalawang araw bago ang halalan.
Sa paunang imbestigasyon, sakay sa isang black Hyundai Accent (THO 133) ang ginang nang maharang ng mga awtoridad sa Comelec checkpoint na may dalang pera.
Bukod sa cash, may mga nakita pang mga umano’y election paraphernalia ng mga kandidato na nasa loob ng bag.
Tumanggi munang magbigay pahayag ang PNP dahil patuloy pa rin ang kanilang ginagawang imbestigasyon.
Wala pa ring pahayag ang naarestong ginang na mahaharap sa kasong paglabag sa SEC. 28 COMELEC RESOLUTION 11104 (Money Ban) sa piskalya. Marina Bernardino