MANILA, Philippines — Patay ang 77-anyos na ginang matapos saksakin ng 81-anyos na asawa habang natutulog sa kanilang tahanan sa Brgy. Sto. Domingo, Cainta, Rizal, Biyernes ng madaling araw, Disyembre 12.
Ayon sa 58-anyos nilang anak, naputol ang kanyang tulog nang makarinig ng malakas na sigaw mula sa kwarto ng mga magulang.
Ani Patrolman John Marvin Molina, walang naging pagtatalo ang mag-asawa bago ang insidente. Posibleng naalimpungatan ang suspek, na umiinom ng gamot para sa Alzheimer’s o dementia, nang saksakin ang asawa.
Narekober ng pulisya ang kitchen knife na ginamit sa krimen. Nakaburol na ang biktima sa kanilang tahanan.
Tumangging magpahayag ang pamilya at ang suspek, na kasalukuyang nakakulong sa kasong parricide. Dave Baluyot