MANILA, Philippines – Inaresto ang 20-anyos na street dweller sa umano’y pagdukot sa isang sanggol na isa taon at pitong buwan ang gulang na anak din ng kapwa street dweller sa Barangay San Bartolome, Quezon City.
Ayon sa awtoridad, nananatiling nawawala ang bata.
Ani Melvin Lorejas, ama ng sanggol, “Sobrang bigat. Sobrang hirap na po ng ano namin. Ang bigat na sa pakiramdam, hindi na namin alam kung nasaan ‘yung anak namin. Nakakain ba siya ng maayos?” Dagdag pa niya, dalawang linggo pa lamang nila kilala ang suspek at tinanggap nila ang alok nito na bumili ng pagkain para sa pamilya.
Nakita sa CCTV noong Disyembre 10 na lumabas ang suspek sa convenience store habang hawak ang bata.
Natagpuan at inaresto siya ng pulisya at kasalukuyang nakakulong sa Novaliches Police Station at hinaharap ang kaso sa ilalim ng Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at Article 270 ng Revised Penal Code.
Hinihikayat ni Lorejas ang sinumang nakakita sa bata na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya habang nagpapatuloy ang paghahanap ng pulisya. Santi Celario