Home METRO Ginang utas sa stray bullet sa police ops

Ginang utas sa stray bullet sa police ops

GERONA, Tarlac- Patay ang isang 24-anyos na ginang nang tamaan ng ligaw na bala, habang nakaligtas ang kanyang 2-anyos na anak, matapos magsagawa ng entrapment operation ang mga pulis sa Barangay Sembrano sa Gerona, Tarlac kamakalawa.

Kinilala ng mga kaanak ang biktima na si Jella Gragasin Calpito, residente ng Barangay Dueg, San Clemente. Nabatid na nagbabakasyon lamang sa kanyang mga magulang sa Brgy. Sembrano ang mag-ina.

Base sa imbestigasyon, nagsagawa ng entrapment operation ang mga pulis laban kina Jay Guieb y Lorenz; anak nitong si Jayson Guieb y Asuncion, (minor) at mga kasamang sina Robert Baysa y Cacal, Albert Bulan (nakatakas) at dalawa pa.

Nakatanggap umano ng impormasyon ang mga awtoridad dahil sa umano’y bentahan ng mga ilegal na baril sa lugar.

Pero bigla na lamang umanong nagkaroon ng sunod-sunod na putok ng baril kung saan tinamaan ng ligaw na bala ang biktima.

Sinubukan pang itakbo sa Tarlac Provincial Hospital ang biktima pero idineklarang dead on arrival ng mga doktor.

May ilang mga bahay din ang nadamay sa operasyon kung saan ay tumama ang ilang ligaw na bala sa bubong at pader ng bahay.

Mabuti na lamang at wala nang iba pang nadamay o nasaktan sa insidente.

Hindi rin nakaligtas ang isang kambing na nakasuga sa gilid ng bahay matapos tamaan ng bala sa pisngi.

Ang suspek na si Jay Guieb na target umano ng operasyon at tumakbo sa gitnang bukid ay agad ding naaresto ng mga pulis kasama si Jayson.

Nakatakas naman ang iba pang suspek na sina Robert Baysa y Cacal, Albert Bulanat at dalawa pa.

Nasamsam sa operasyon ang isang cal. 45, isang cal .22 revolver, isang cal .22 pistol, isang cal . 22 rifle Krugger., isang cal .22 Franco mula sa mga suspek.

Sinabi ng suspek na si Jay Guieb na napatakbo umano siya dahil sa takot nang makarinig ng sunod-sunod na putok ng baril.

Pero aminado siya na ilang beses na siyang naging target search warrant operation ng awtoridad.

Ang mga suspek ay nasa pangangalaga na ng Gerona Police Station at nakatakdang sampahan ng illegal possesion of firearms.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa pagkamatay ng biktima.

Hustisya naman ang panawagan ng mga kaanak ng biktima. Marina G. Bernardino