Home OPINION GIYERANG SMARTMATIC HINDI PA TAPOS

GIYERANG SMARTMATIC HINDI PA TAPOS

KNOCKOUT ang Smartmatic sa botohan sa Commission on Elections sa isyung pasasalihin pa ito o hindi sa suplay ng mga gamit at serbisyong kailangan sa mga halalang darating.

Sa bumotong pitong commissioner, anim ang nagpakawala ng suntok na tumama sa Smartmatic habang isa lang ang sumuntok para sa depensa nito.

Kaugnay na ito ng panukalang P5.96 bilyong gagastusin ng Comelec sa halalang 2025 para sa mga senador, kongresman at lokal na opisyal.

Dito maaaring magkaroon agad ang Comelec ng pondo para sa nasabing halalan kung maaaprubahan ang isang panukala sa Senado na sa 2024, meron nang paunang bahagi ng P5.96B na pwedeng gamitin ng komisyon.

NAGLALAWAY NA SILA

Malaking halaga ang P5.96B.

Magkano ang para sa precinct count optical scan o PCOS machine o ibang anyo ng computer para sa elektronikong botohan at serbisyong kakambal nito?

Noong Pebrero 2015, may P240 milyon na ginastos para sa pag-aayos ng gamit nang PCOS para sa halalang 2016 at pinirmahan iyon ng isang opisyal ng Comelec ilang araw bago ito nagretiro.

2013 pa lang, niluluto na ang suplay at pag-aayos ng mahigit 82,000 PCOS machine sa halagang P1.2B para sa halalang P2016.

Nanalo sa botohan ang Smartmatic sa hanay ng mga Commissioner ng Comelec at wala na umanong pasubasta.

Pero sa kabuuan, mga Bro, simula noong 2013 hanggang 2023, umabot na sa P25B ang nakontrata ng Smartmatic, ayon sa mga balita.

Marami sa mga ito ang idinaan sa pasubasta pero meron ding hindi dumaan sa pasubasta.

Ang balita, dumaan sa pasubasta o hindi, may mga kumita na taga-Comelec at mismong ang Smarmatic, siyempre.

Magkagayunman, ukol sa mga taga-Comelec, merong iniimbestigahan ngunit hanggang ngayon, wala pang nakukulong.

Ito nga ang malaking dahilan kung bakit knockout ang Smartmatic sa nakaraang botohon.

May malaki umanong suspetsa na nagkaroon ng suhulan sa bilihan ng PCOS machine at serbisyo, maging sa repair ng mga ito.

DAYAAN SA MGA HALALAN

Sabi ng Comelec sa ilalim ngayon ni Comelec Chairman Atty. George Garcia, walang naganap na dayaan sa halaang inabutan niya bilang chairman.

‘Yun bang == Barangay and Sangguniang Kabataan elections dahil umupo lang siya na noong Hulyo 22, 2022 makaraan ang halalang presidential na ikinapanalo ni Pangulong Bongbong Marcos.

At bilang isport na chairman, pwede rin nitong pabuksan ang resulta ng halalang 2022, lalo na sa mga lugar na nagkaroon umano ng dayaan, gamit ang mga PCOS machine ng Smartmatic…kung may hihiling para rito.

Saludo tayo kay Chairman George.

Ngayon nga, eh, sira na ang lahat ng nasa 82,000 PCOS machine at hindi na magagamit dahil lumagpas na sa 5-taong buhay ng mga ito.

Ang aasahan, maaaring magsampa ng reklamo ang Smartmatic laban sa Comelec at posibleng makasali at manalo pa rin ito bilang service provider batay sa karanasang pinaburan na ito ng Supreme Court noong 2015 sa P2.5B kontrata sa suplay ng makina at serbisyo.

Sey niyo?

Previous articleSAWATAIN ANG SALOT
Next articleLotto Draw Result as of | November 30, 2023