Home OPINION SAWATAIN ANG SALOT

SAWATAIN ANG SALOT

SUNOD-SUNOD na ang mga raid at hulihan laban sa mga iligal na operasyon ng mga opisina ng Philippine Offshore Gaming Operator  sa Pasay.  Talaga naman nakapagtataka kung saan humuhugot ng lakas-loob itong mga operator na ito na karamihan ay mga Chinese.

Hindi naman sa nilalahat natin ang POGO companies, pero itong mga nababalita ay kitang-kita ang pag-abuso sa pribilehiyong ibinigay sa kanila para magnegosyo rito. Sangkaterba naman kasi ang mga paglabag ng mga kompanyang ito.

Una, wala silang mga permit mula sa Department of Trade and Industry para mag-operate.   Meron pa nga na bukod sa online gaming, text scam o online loan scam ang ginagawa, dahil sa libo-libong registered na SIM na nakumpiska.   Paglabag naman ito sa SIM-registration law.

Pangalawa, tumambad naman ang umano’y torture chamber para sa mga empleyado na hindi umaabot sa mga quota.   Iyon pala, karamihan sa mga nagtatrabaho na foreigners sa mga POGO na ito ay mga biktima rin ng human trafficking.   Ibig sabihin, naloko sila ng mga recruiter nila mula sa Malaysia, Vietnam, Cambodia at marami rin mula sa mga probinsya ng Mainland China.

Pero ang malala talaga ay ang prostitution na nakadikit sa mga iligal din na mga karaoke bars na nasa ibang palapag ng parehong building kung saan nag-o-operate ang mga POGO.  At magkakahalong mga Pilipina, Intsik at Southeast Asian na mga babae ang mga biktima.   High-tech pa nga daw ang sistema ng prostitusyon dahil puro group-chat ang pagpili at booking ng prostituted women, pati bayaran ay gamit na rin ang digital payments.

Palagay ko ay may kasabwat na local officials at pati pulis sa pamamayagpag ng mga illegal operation na ito.  Kaya tama lang na masibak ang hepe pulis ng lungsod kung saan nakalulusot ang mga iligal na gawaing ito.

Mabuti na lang at maayos ang intelligence gathering ng mga pinagsanib na pwersa ng NBI, DOJ at ng ibang awtoridad.  Mas lalo pa nila sanang paigtingin ang ganitong mga operasyon para masawata na ang salot na gawain ng mga iligal at abusadong mga POGO na ito. (Editor’s note: Hiindi tayo sure na mahusay ang intelligence gathering ng NBI. Pero sure tayo na ilang ahente nito ang “swak” sa lingguhang intelihensiya sa ilang girlie establishments sa Pasay at Paranaque.)

 

 

 

 

 

Previous articleRESULTA NG MABAGAL NA HUSTISYA
Next articleGIYERANG SMARTMATIC HINDI PA TAPOS