Home OPINION RESULTA NG MABAGAL NA HUSTISYA

RESULTA NG MABAGAL NA HUSTISYA

KUNG magiging mabilis lang sana ang proseso ng batas sa ating bansa, hindi siguro mangyayari na magkaroon pang muli ng karahasan na ang nasasangkot ay mga taong unang nahaharap sa asunto.

Ilang beses na bang nangyari na nasangkot muli sa kaso ang isa pa namang alagad ng batas na una ng nasampahan ng kaso at nairekomendang masibak sa tungkulin pero nananatili pa ring nasa serbisyo dahil sa isang tambak na remedyo.

Kung inyong natatandaan, isa sa mga pulis na sangkot sa pamamaril sa naganap na “mistaken identity” noong Agosto 2 sa Navotas City na ikinasawi ng 17-anyos na si Jemboy Baltazar ay dating nasangkot sa usapin at inirekomendang sibakin sa puwesto.

Pero dahil umapela ang pulis, nakabalik siyang muli at nasangkot sa palpak na operasyon nang walang habas na paputukan ang kawawang biktima na tumalon sa ilog sa takot sa mga pulis.

Siguro naman, hindi na makababalik sa puwesto ang mga pulis na sangkot sa pagpatay kay Jemboy lalo’t  matibay ang ebidensiyang laban sa kanila.

Iba naman ang kaso ni  LtCol. Mark Julio Abong na dinismiss sa serbisyo ng People’s Law Enforcement Board  ng Quezon City dahil sa kasong hit-and-run na ikinamatay ng tricycle driver na si Joel Laroa noong Agosto 6, 2022.

Dahil abogado, alam ni Abong ang kanyang mga karapatan at remedy sa kanyang ginawa upang  manatili pa sa puwesto. Iyon lang, hindi sa pagiging hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District naitalaga si Abong kundi sa dati niyang puwesto sa Legal Service ng Philippine National Police  bilang isang abogado.

Sa panuntunan ng PNP, hindi binibigyan ng service firearm ang mga nakatalaga sa Legal Service pero may pribilehiyo pa rin silang magkaroon ng sarili niyang armas na lisensiyado ng Firearms and Explosive Division.

Nailabas ng PLEB ang kautusan sa pagsibak sa serbisyo kay Abong subalit kailangang rebisahin ng National Police Commission at nang malaman ni Abong na lalabas na ang desisyon, kaagad siyang naghain ng motion for reconsideration upang manatili pa rin sa serbisyo.

Ibinasura ng Napolcom ang apela ni Abong subalit  kailangang marebisa ng Department of Interior and Local Government kaya bago lumabas ang desisyon, nasangkot ang opisyal sa panibagong karahasan.

Siguro, kung mabilis lang ang pag-usad ng hustisya sa ating bansa, kahit pa makapangyarihan, mapera at maalam sa batas ang nasasangkot, hindi na makagagawa nang karahasang makasisira sa imahe ng PNP.