Home OPINION WALA ‘YANG ICC

WALA ‘YANG ICC

SI Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang paulit-ulit na nagsasabi na itong International Criminal Court  ay walang ‘jurisdiction’ para magsagawa ng imbestigasyon sa ‘war on drugs’ ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Inihayag pa ni Pangulong Marcos na ang gulong ng hustisya sa bansa ay gumagana at ginagampanan ang papel nito sa anomang kasong ihahain dito.

Ang kaso, mayroon tayong mga mambubutas, ehem, mambabatas pala na sadyang mga epal. May nagpasa pa ng resolusyong humihimok sa pamahalaan na makiisa sa pag-iimbestiga ng ICC  sa dating presidente.

Kung talagang mambabatas ang mga ito, dapat ay tumatanim sa kanilang isipan na hindi tama na tagalabas o’ mga dayuhan pa ang magsasabi sa atin kung ano ang gagawin sa mga ganitong usapin.

Baka nga mambubutas lang ang mga ito, at hindi talaga mambabatas, dahil parang ‘di nila alam ang kanilang mga sinasabi.

Bukod sa hindi ko na sila pangangalangan, dahil baka  sumikat ng mga ito, akin na lamang silang paalahanan. Ang atin mismong  law enforcement and investigative agencies gaya ng Philippine Nationa Police, National Bureau of Investigation  at mismong Department of Justice ay yakang-yaka gawin ang imbestigasyong nais gawin ng ICC.

Pangalawa, hindi tayo nabibilang sa mga bansang kumikilala sa ICC. So, ano ang kinalaman ng ICC sa atin? ‘Di ba, wala!?

Eh, bakit pa igigiit ng iilan  sa House of Representatives ang panawagan sa pamahalaan na makipag-ugnayan sa pag-iimbestiga ng ICC sa war on drugs ni Duterte.

Kahit pa pilitin ng mga mambubutas  pati na ng ICC na ang pinag-uusapang panahon ay simula pa noong November 1, 2011 nang si Duterte ay Davao City mayor pa hanggang March 16, 2019 sa panahon ng kanyang pagkapangulo, wala bang nangyaring maganda sa ginawang laban sa iligal na droga noong panahong iyon?

Naglipana pa ba sa Davao ang droga magpahanggang ngayon, o kahit na sa buong bansa, nakaporma ba ang mga drug lord at naglipana ang droga noong panahon ni Duterte? ‘Di ba, nangatakot lahat pati na ang  mga drug user?

Kaya wala ‘yang ICC. Huwag n’yo nang pag-aksayahan ng panahon. Ang magandang gawin ng mga mambabatas na ito ay maglinang ng batas kung paano palalawigin ang ating pakikipag-laban sa iligal na droga. Period!

Previous articlePINAIGTING NA OTBT OPS NG MALABON COPS EPEKTIBO
Next articleRESULTA NG MABAGAL NA HUSTISYA