Home NATIONWIDE Gobyerno naghahanda ng bagong UPLIFT aid para sa mga magsasaka, transport sector

Gobyerno naghahanda ng bagong UPLIFT aid para sa mga magsasaka, transport sector

1
0

Naghahanda ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maglunsad ng panibagong round ng fuel assistance sa ilalim ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) upang mabigyan ng ayuda ang mga vulnerable sector, kasunod ng pag-abot ng benchmark Brent crude oil sa $100 kada bariles noong Setyembre 9, sa unang pagkakataon mula noong Hulyo, sa gitna ng panibagong tensyon sa pagitan ng United States at Iran.

Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na kabilang sa mga unang target ng bagong UPLIFT assistance ang mga magsasaka at mangingisda.

Samantala, sinabi ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na patuloy na naghahanap ang administrasyon ng mga paraan upang maibsan ang epekto sa bansa ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado, partikular sa public transport sector at mga commuter.

Ayon kay Lopez, nagsasagawa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mga konsultasyon at pagdinig sa mga petisyon para sa taas-pasahe. Seryoso rin umanong pinag-aaralan ng Department of Transportation (DOTr) kung paano mapalalawak ang fuel subsidy upang maisama ang iba pang uri ng pampublikong transportasyon bukod sa mga kasalukuyang benepisyaryo tulad ng jeepney at UV Express.

Sa panayam sa PTV4 program na Rise and Shine, sinabi ni De Mesa, “Sa ngayon inihahanda na natin ang fuel assistance under the UPLIFT program natin. Ito ay direktang mapapakinabangan ng ating mga magsasaka at mangingisda.”

Sinabi ni De Mesa na malaking bahagi ng gastusin ng mga magsasaka at mangingisda ay napupunta sa krudo at iba pang fuel na ginagamit sa combine harvesters para sa pag-aani ng palay at sa mga bangkang de-motor.

“Ngayon ay harvest season ng ating mga palay. Makakatulong ito sa bawas gastos. Lalo na kung ginagamit nila iyong combined harvesters. At ganoon din sa ating mga mangingisda. Alam natin malaking bahagi ng gastusin nila ay ang ginagamit na krudo o fuel na ginagamit sa mga bangkang de motor,” ani De Mesa.

Isinasaalang-alang din ng gobyerno ang muling pag-waive ng toll fees para sa mga sasakyang naghahatid ng agricultural products mula Northern Luzon at Southern Luzon patungong Metro Manila.

“Pag nagkaroon ng pagtaas ang presyo ng petrolyo ang unang naaapektuhan sa sektor ng agrikultura ay iyong dagdag na gastusin sa movement or transportation costs na ipinapasa sa ating mga consumers,” ayon sa opisyal ng Department of Agriculture.

“Naging epektibo dati iyong pagbibigay ng libreng toll doon sa ating mga viajero. Isa iyan sa magandang pangyayari sa mga nakalipas na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo,” ani De Mesa.

“At mayroon ng mga aksyon na ibalik itong libreng toll. Lalo na sa mga major tolls going in and out of Metro Manila, from south to north, hanggang doon sa iba pang mga links, skyways, toll areas. Up to P150 million iyong naibibigay na additional na libre para sa ating mga viajero,” dagdag niya.

Hinggil naman sa panukala ng isang private-sector hog industry association na taasan ang taripa sa imported pork, sinabi ni De Mesa na maingat na pinag-aaralan ng gobyerno kung paano maiiwasan ang posibleng pagtaas ng presyo ng baboy at ng mga processed pork products tulad ng hotdog at luncheon meat na karaniwang kinokonsumo ng mga Pilipino.

“Kailangang balansehin para hindi maka-apekto sa pagtaas ng presyo ng bilihin lalo na sa inflation. We really need to have a careful balance,” ani De Mesa.

Sa hiwalay na panayam, sinabi naman ni Lopez, “Sa ating mga bus operators at drivers, una po, kami po, ako po ay personal na humihingi ng inyong pasensya, paumanhin at konsiderasyon. At makaaasa naman po kayo na ang gobyerno gumagawa ng mga iba’t ibang mga inisyatibo para po matulungan kayo and in the meantime, matulungan din natin ang ating mga commuters.”

Kaugnay ng mga petisyon para sa taas-pasahe, sinabi ni Lopez na masusing isinasaalang-alang ng LTFRB ang mga isyu at hinaing ng operators, drivers at commuters.

“Pagdating po sa ating fare hike po, ito po ‘yung sinasabi ko parati na at this point in time po, pinipiga pa rin natin ang gobyerno. Kung anong pwede nating ibigay na inisyatibo, subsidiya. Tulad po ng fuel discount natin, alam po namin ‘yan na from P10 naging P12 at limitado po ang transport modes na makikinabang dyan, ‘yung jeepney at tsaka mga UV Express. Iniisip namin kung paano ‘to pahahabain pa at isama ‘yung iba’t ibang transport modes,” ani Lopez.

Sa gitna ng pagtaas ng inflation rate, sinabi pa ni Lopez, “The inflation itself is quite high. Ang August inflation natin is 6.1, ‘pag nagtaas po tayo ng pamasahe ay sigurado pong makakadagdag din ‘yan sa ating inflation. Makakadagdag sa presyo rin po ng serbisyo at presyo ng mga goods.”

“So, we’re trying to say po, sasaluhin po ito ng gobyerno, pipigain natin hanggang sa kaya natin, mga subsidiya, mga iba’t ibang inisyatibo. Ongoing naman po lahat ang DOTr initiatives at sana maging last resort po ‘yung pagbibigay natin ng fare hike. It’s just a matter of time po,” dagdag niya.

Binuo ni Pangulong Marcos ang UPLIFT upang magbigay ng suporta sa mga pinaka-vulnerable na sektor bilang bahagi ng whole-of-government approach para maibsan ang epekto ng nagpapatuloy na krisis sa Middle East.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here