Home TOP STORIES Goitia: Soberanya ng Pinas, ipagpalaban

Goitia: Soberanya ng Pinas, ipagpalaban

158
0

Nanawagan si Chairman Emeritus Jose Antonio Goitia sa publiko na maging mapanuri sa mga kumakalat na pahayag sa social media tungkol sa West Philippine Sea na aniya’y maaaring magpahina sa paninindigan ng bansa.

Binigyang-diin ni Goitia na hindi dapat malito ang publiko sa mga naratibong nagdudulot ng pagdududa sa karapatan ng Pilipinas sa sariling karagatan. Ayon sa kanya, may ilang pahayag online, kabilang ang mula sa ilang personalidad, na kailangang suriing mabuti.

“Kapag ang pagdududa na walang batayan ay tinatanggap bilang normal, ang pag-iingat ay nagiging anyo ng pagsuko,” babala ni Goitia.

Ipinaliwanag ng opisyal na magkaiba ang West Philippine Sea bilang katawagang heograpikal at ang Exclusive Economic Zone (EEZ) na sakop ng batas internasyonal sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

Giit ni Goitia, ang karapatan ng Pilipinas sa karagatan ay malinaw na nakabatay sa internasyonal na batas at hindi lamang sa katawagan. Aniya, kinilala rin ito sa arbitral ruling noong 2016 na nagpatibay sa karapatan ng bansa sa loob ng EEZ.

Tinukoy rin niya ang presensya ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal bilang legal at naaayon sa umiiral na batas. Dagdag pa niya, may ganap na karapatan ang Pilipinas na ipagtanggol ang likas-yaman at magpatupad ng batas sa nasabing lugar.

Binigyang-linaw din ni Goitia na ang paglapit ng Pilipinas sa arbitration ay hindi kahinaan kundi patunay ng matibay na paninindigan sa batas at diplomatikong paraan sa pagresolba ng sigalot.

Nagbabala rin siya laban sa mga naratibong umano’y pro-China na maaaring makasira sa tiwala ng mamamayan sa soberanya ng bansa.

“Hindi sumuko ang Pilipinas. Hindi umatras ang bansa. Nanindigan tayo sa batas at karapatan,” giit ni Goitia.

Iginiit din niya na nananatiling umiiral ang Presidential Decree 1596 at walang batas o desisyon ng Korte Suprema na nagpapawalang-bisa rito.

Aniya, nilinaw lamang ng UNCLOS at ng arbitral ruling ang karapatang pandagat ng Pilipinas. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here