MANILA, Philippines – TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na pinalalakas ng pamahalaan ang sistema ng enerhiya ng bansa upang matiyak ang maasahang supply ng kuryente at mas abot-kayang presyo.
“This is why we, in government, continue to strengthen the systems in our energy sector—by improving policies, processes, and partnerships to ensure that energy reliability and affordability are sustained in the long-term,” ayon sa Pangulo sa isinagawang turnover ng Caliraya-Botocan-Kalayaan Hydroelectric Power Plants (CBK HEPP) sa Kalayaan, Laguna, araw ng Lunes, Pebrero 9, 2026.
“Kami sa gobyerno ay patuloy na pinalalakas ang sistema sa sektor ng ating enerhiya sa pamamagitan ng pagpapahusay ng mga polisiya, proseso at pakikipagtulungan upang matiyak na maaasahan at abot-kaya ang kuryente nang pangmatagalan.” aniya pa rin.
“Gamit ang lakas ng pampubliko at pribadong sektor, hinihikayat natin ang pagtutulungan na nagpoprotekta sa interes ng publiko habang isinusulong ang transparency at accountability,” dagdag na wika nito.
Aniya, ang CBK facilities ay nag-iimbak ng tubig gamit ang sobrang kuryente tuwing off-peak hours, at inilalabas ito para makalikha ng kuryente kapag mataas ang demand.
Ang sistemang ito ay hindi lang basta gumagawa ng kuryente, kundi tumutulong din na balansehin ang supply at demand sa buong power system, aniya.
Winika pa rin ng Pangulo na ang modernisasyon ng CBK ay magbibigay ng benepisyo sa mga Pilipino—mas kaunting brownout, mas tuloy-tuloy na serbisyo sa ospital at paaralan, at walang nasayang na oras at mas maraming oportunidad para sa mga manggagawa at negosyante.
Binanggit din ng Chief Executive na ang turnover ng CBK HEPP sa Thunder Consortium ay hakbang tungo sa mas matatag at mas mahusay na energy system.
Ang Thunder Consortium ay binubuo ng Aboitiz Renewables, Inc., Sumitomo Corporation na base sa Japan, at ng J-Power, isang electric utility na kumpanya sa Japan.
Ang CBK HEPP ay isa sa pinakamalaking hydropower complex sa Luzon na may kapasidad na 797 megawatts. Kris Jose