MANILA, Philippines — Iginiit ni Dr. Jose Antonio Goitia na walang anumang hadlang o istrukturang itinatayo sa dagat ang maaaring makapagpawalang-bisa sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea, kasunod ng patuloy na aktibidad ng Tsina sa nasabing lugar.
Ayon sa mga ulat, muling hinarangan ng mga puwersa ng Tsina ang pagpasok ng mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough Shoal sa pamamagitan ng paglalagay ng floating barrier, kahit sakop ito ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas batay sa international law.
Kasabay nito, lumalabas din ang impormasyon hinggil sa umano’y pagpapalawak ng presensya ng Tsina sa iba pang bahagi ng karagatan, kabilang ang pagtatayo ng pasilidad tulad ng airbase sa Antelope Reef.
Inilarawan ng Foundation for Defense of Democracies ang mga hakbang na ito bilang bahagi ng “gray-zone strategy” — mga aksyong hindi lantad na komprontasyon ngunit naglalayong unti-unting baguhin ang umiiral na sitwasyon sa dagat.
“Maaaring magtayo ng harang sa dagat at mga runway sa mga bahura, pero hindi kailanman maitatayo ang soberanya mula sa isang iligal na batayan,” pahayag ni Goitia.
Matatandaang noong 2016, naglabas ng pinal na desisyon ang Permanent Court of Arbitration sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea, kung saan ibinasura ang malawak na “historic rights” na inaangkin ng Tsina sa loob ng tinatawag na nine-dash line.
Gayunman, iginiit ni Goitia na ang patuloy na aktibidad ng Tsina ay tila pagtatangkang gawing katanggap-tanggap ang kontrol sa pamamagitan ng paulit-ulit na aksyon.
“Ang kontrol na bunga ng pamimilit ay hindi soberanya. Isa itong okupasyon na pilit ginagawang normal sa mata ng mundo,” aniya.
Binigyang-diin din niya na hindi lamang usapin ng teritoryo ang isyu, kundi pati na rin ang kabuhayan ng mga Pilipinong umaasa sa yamang-dagat sa West Philippine Sea.
“Kapag ang pag-access ay kailangang ipagpaalam sa iba, hindi lang teritoryo ang nalalagay sa panganib, kundi ang dangal ng bansa,” dagdag pa niya.
Sa kabila nito, tiniyak ng kampo ni Goitia na nananatiling matatag ang paninindigan ng Pilipinas—ipinaglalaban ang karapatan nito sa pamamagitan ng batas, dokumentasyon ng mga insidente, at pagsusulong ng mapayapang resolusyon.
“Hindi tayo nagpapalala ng sitwasyon. Naninindigan tayo. Dahil nasa atin ang batas at nasa atin ang katotohanan,” aniya.
Babala pa niya, hindi nagiging lehitimo ang anumang maling pag-angkin kahit pa ito ay paulit-ulit na isinasagawa.
“Walang harang ang makakahadlang sa katotohanan. Walang base ang makakapagtibay ng maling pag-angkin. At walang kapangyarihan ang makakaagaw sa isang bayang handang ipaglaban ang sa kanya,” pagtatapos ni Goitia. JAY Reyes