MANILA, Philippines — Nagsagawa ng panibagong nationwide strike nitong Martes ang mga driver at operator ng public utility vehicles upang igiit ang aksyon ng pamahalaan laban sa mataas na presyo ng langis.
Pinangunahan ng MANIBELA at PISTON ang mga protesta, kung saan may ilang nagtipon sa Philcoa sa Quezon City.
Hinihiling ng mga transport worker ang P10 dagdag sa minimum jeepney fare mula P13 tungong P23. Naghain ng petisyon ang PISTON sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board noong Lunes para sa fare adjustment.
Sa kabila ng kamakailang rollback sa presyo ng langis, sinabi ng PISTON na lugi pa rin ang mga driver dahil sa mataas na operating costs. Anila, mas mataas pa rin ang presyo ng diesel kumpara noong itinakda ang kasalukuyang pasahe noong 2023.
Samantala, nananawagan ang MANIBELA na ibaba sa humigit-kumulang P55 kada litro ang diesel.
Nauna nang inanunsyo ng mga oil firm ang rollback na nasa P2.25 kada litro sa diesel, P3.41 sa gasolina, at P2.00 sa kerosene.
Binanggit din ng mga transport group ang mga pandaigdigang pangyayari na nakaaapekto sa presyo ng langis, kabilang ang tensyon sa Middle East. Santi Celario