MANILA, Philippines – “Wala po kami pa update” Ito ang tugon ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang nang hingan ng komento kaugnay sa napaulat at umuugong na balita na si corporate communications executive Dave Gomez ang napisil ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na papalit kay Presidential Communication Office (PCO) Sec. Jay Ruiz.
Kamakailan lamang ay nagpalabas ang Malakanyang ng “reappointment” para kay Ruiz bunsod ng kabiguan masungkit ang kumpirmasyon ng Commission on Appointments (CA).
Ayon sa isang opisyal sa Malakanyang, tinanggap na umano ni Gomez ang alok na pamunuan ang PCO.
Sa kabilang dako, higit na kilala si Gomez bilang reporter ng Philippine Star sa loob ng 11 taon. Mula sa pagiging diyarista, pinasok din ni Gomez ang advertising. Kalaunan, itinalagang director general ng Philippine Information Agency (PIA).
Samantala, kapag di umano’y pormal nang naupo bilang Kalihim ng PCO, apat na Kalihim ng PCO na ang hinirang ng Pangulo — sina Atty. Trixie Cruz-Angeles, Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, Cesar Chavez, at Jay Ruiz. /Kris Jose