Home NATIONWIDE Gov’t execs na maiuugnay sa rice smuggling mahaharap sa asunto – Malakanyang

Gov’t execs na maiuugnay sa rice smuggling mahaharap sa asunto – Malakanyang

MANILA, Philippines – KAKASUHAN ang mga opisyal ng pamahalaan na mapatutunayang sangkot sa smuggling ng bigas.

Sa katunayan, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na mayroon ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa sinasabing pagkakasangkot ng mga opisyal ng gobyerno sa ilegal na pag-angkat ng bigas.

Ito’y matapos na ihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa first episode ng kanyang “BBM Podcast” naka-upload sa kanyang official Facebook page, araw ng Lunes na may ilang opisyal ng pamahalaan ang nasa likod at nakikinabang mula sa rice smuggling.

“Marami pong paiimbestigahan ang Pangulo. ‘Yun naman po ang pangako niya. Marami pong paiimbestigahan kung meron na po tayong nauulinigan ang Pangulo,” ang sinabi ni Castro.

“At kailangan pong ma-verify po ito para po makasuhan. Hindi po iyan tatalikuran ng Pangulo. Talaga pong dapat masampahan ng kaso,” dagdag na wika nito.

Gayunman, inamin ni Castro na wala siyang alam sa pagkakakilanlan ng mga public officials na di umano’y nasa likod ng ilegal na aktibidad.

Sa kabila nito, tiniyak naman niya sa publiko na kagyat na tutugunan ni Pangulong Marcos ang nasabing usapin.

“Ang sinabi ng Pangulo, taga-gobyerno. Hindi naman po sinasabing taga-executive department. Marami pong sangay ang gobyerno,” ani Castro.

“Pero kung ito po ay manggagaling sa ehekutibo, malamang po natanggal na iyan. ‘Di ba po ang sabi niya kapag verified, nalaman naming na may anomalya, tanggal agad .” diing pahayag nito.

Samantala, itinutulak din aniya ni Pangulong Marcos ang restoration o pagpapanumbalik ng regulatory powers ng National Food Authority (NFA), ituring na, na ang smuggling ng bigas ay nananatiling malaganap matapos na mawalan ng kapangyarihan ang ahensiya na direktang mag-angkat ng bigas dahil sa Rice Tariffication Law.

Ininguso naman ni Pangulong Marcos ang matagumpay na paglulunsad ng P20-per-kg. rice program sa nagpapatuloy na reporma at record-high rice production sa mga nakalipas na taon.

Ani Castro ang inisyatiba ay mananatili hanggang sa katapusan ng December 2025 dahil mayroong sapat na suplay ng bigas. Kris Jose