Home OPINION GRAB PHILS., MALAKAS ANG KAPIT SA MALACANANG? 

GRAB PHILS., MALAKAS ANG KAPIT SA MALACANANG? 

MARAMI ang nagtatanong kung may motibo ba ang ginawang pagpost sa social media ng Chief Operating Officer ng Grab Philippines na si Ronald Roda sa kanyang larawan, kasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., habang mainit pa ang usapin hinggil sa pagnanais ng kanilang kompanya na lumahok sa pilot test sa  serbisyo sa transportasyon ng motorsiklo o MC taxi.

Dito kasi sa ating bansa, maraming mga negosyante, maliit man o malaki, ang atat na atat magpakuha ng larawan sa mga nakaupong senador, congressman, opisyal ng pulisya at siyempre sa mga matataas na pinuno tulad nina Pangulong  Marcos at maging kay Vice President Sara Duterte.

Ang hirap lang, ginagamit ng marami ang kanilang larawan sa mataas na opisyal ng pamahalaan bilang pang-display sa kanilang tanggapan at kadalasan nga, ipino-post pa sa social media na tila ba gustong ipabatid sa publiko ng close sila at malakas sila sa opisyal.

Ito ngayon ang ikinababahala ng Convenor ng National Union of Food Delivery Drivers na si John Jay Chan dahil baka umano gamitin ng pamunuan ng Grab Philippines ang kanilang koneksyon, kung mayroon man,  kay Pangulong Bongbong para mabigyan ng regulatory approval sa pagtanggap sa Grab bikes.

Para raw kasing ipinapakita ni Roda sa mga opisyal ng pamahalaan na may “kapit” sila sa Malacanang at kaya nilang ipabaligtad ang liham ng ng chairman ng MC Taxi Technical Working Group  ng Land Transportation and Franchising and Regulatory Board na kulang ang Grab ng authorization para lumahok sa pilot implementation study.

Mismong si LTFRB Chairman Teofilo Guadiz na nga ang ang lumiham noong Pebrero 1 kay Attorney Noel Valerio kung saan nakasaad na tanging ang mga motorcycle company na Joyride, Angkas, at Move It lang ang maaaring sumali sa proyekto.

Pero kahit may kasiguraduhan na ang LTFRB na etche-puwera ang Grab sa pilot implementation study, mananatiling katanungan kung may impluwensiya nga ba sila sa pinakamataas na pinuno ng bansa na puwedeng magdikta sa sinomang opisyal ng pamahalaan.

Kaya lang, batid naman ng sambayanan na malayo sa ugali ni PBBM ang magpa-impluwensiya kaninoman dahil ipinauubaya niya ang mga usapin sa kanyang mga itinalagang opisyal na kanyang pinagkakatiwalaan.

Previous articleTUBIG!!!
Next article‘KA TONYO’ NG DOLE TAGILID SA PERFORMANCE REVIEW?