MAKARAANG masimulan sa salita ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang State of the Nation Address ang laban sa mga korap at mandarambong at kasabwat nila na nagbubulsa, maging ng mga utang ng gobyerno, lalo na kaugnay ng P450 bilyong flood control program ng gobyerno, andiyan na ang mga aktuwal na pruweba ng korapsyon at pandarambong.
Mismong ang Pangulo, mga senador at ilang kongresman ang nakadidiskubre ng mga ghost project, substandard, abandonado at iba pang mga proyekto na bunga ng korapsyon at pandarambong.
Dahil dito, nariyan na ang mga seryosong imbestigasyon hindi lang sa hanay ng mga senador kundi mismo ng Palasyo na gagamit ng isang independent commission para rito.
Pero habang nagmamadali ang ehekutibo sa pagbuo ng independent commission, may lumilitaw na hidwaan ng mga mambabatas, lalo na mula sa mga gustong umiwas sa lehislatibong imbestigasyon at mas gustong ipasakamay na lang ang lahat sa independent commission.
Nakakalimutan nilang iba ang layon ng lehislatibong imbestigasyon at pangunahin dito ang paggawa ng batas batay sa bunga ng imbestigasyon habang pagpananagot sa batas sa krimen, sibil at administratibo ang sinomang sangkot sa mga iskam ang gagawin ng ehekutibo.
Maaaring makasama ang Office of the Ombudsman at Department of Justice sa paghawak at pagsusulong ng iba’t ibang kaso mula sa rekomendasyon mismo ng Kamara, Senado, Palasyo at ang independent commission.
Ang bitak ng hanay ng mga mambabatas ang isang dapat na bantayan dahil tila may pulitika at gibaan na sangkot dito.
Baka mas matalim ang imbestigasyon ng mga mambabatas kumpara sa ehekutibo, lalo na’t mabilis na dumarating ang halalang presidensyal sa 2028 at magsisilbi ang mga imbestigasyon na kampanyang pampulitika na pabor o kontra sa mga pumupuntirya ng pwesto sa Palasyo, Senado at Kamara.
Sey n’yo, mga brad?






