Bulacan- Arestado ng mga awtoridad ang 46-anyos na ama matapos umanong paulit-ulit na gahasain ang kanyang 16-anyos na anak sa loob ng limang taon sa San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ang suspek sa alyas “Terio,” tubong Palawan habang ang biktima ay itinago sa pangalang Maan, 16, grade 10 student, kapwa residente ng Brgy. Gaya-Gaya.
Sa report ng pulisya, naganap ang huling insidente ng kahalayan bandang alas-10 ng gabi nitong Oktubre 11 sa kanilang mismong bahay.
Ayon sa imbestigasyon, sa tuwing naiiwang mag-isa ang biktima sa kanilang bahay ay pwersahang hinahalay siya ng suspek.
Umabot na sukdulan at hindi na masikmura ng biktima ang kababuyang ginagawa ng sariling ama kaya nagsumbong na ito sa kanyang inang nagngangalang Digna, 61.
Sinasabing mula taong 2019 hanggang Oktubre 11 ng taong kasalukuyan ay paulit-ulit siyang sekswal na inabuso ng suspek.
Dahil dito, bandang alas-5:30 ng hapon nitong Nobyembre 5 ay nag-report ang mag-ina sa pulisya na agad rumesponde sa lugar kaya nahuli ang suspek.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 11648 at Acts of Lasciviousness in related to RA 7610. Dick Mirasol III