MANILA, Philippines- Nais ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na gamitin ng pamahalaan ang sobrang pondo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na aabot sa P500 bilyon sa pagtugon sa climate change na sumasalanta sa ekonomiya.
Sa kanyang panukala, ikinatuwiran ni Escudero na nalulugi ang pamahalaan ng bilyong pondo kada taon sanhi ng inflation kaya’t nararapat na makahanap ng pamamaraan na gamitin ito sa mas makabuluhang proyekto tulad ng climate change.
“Kung hindi kayang gamitin ng PhilHealth ang pondo nito at nalulugi lamang ang bilyong taxpayers’ money kada taon sanhi ng inflation, nararapat lamang na makahanap ng pamamaraan ang pamahalaan na ilaan ang sobrang pondo sa mas mahusay na paggagamitn partikular sa harap ng matinding weather disturbance na sumasalanta sa ekonomiya,” ayon kay Escudero.
Base kay Escudero, nalulugi ang pamahalaan ng halagang P20 bilyon kada taon sa P500 bilyong excess funds ng PhilHealth sanhi ng inflation – napakalaking halaga na maaaring magamit sa mas kailangan na serbisyo tulad ng mas mahusay na flood control systems, stronger river and seawall controls at paglikha ng climate-resilient communities.
“Inflation pa lang, talo na tayo. Limang daang bilyon ang sobrang pondo ng PhilHealth sa ngayon at sa four percent inflation, ibig sabihin n’yan nawawalan ng P20 billion ang PhilHealth kada taon na hindi nila binibigay na serbisyo sa ating mga kababayan dahil lamang hindi nila ginagastos ang pera. Sayang ‘yun at dapat tignan, pag-aralan at busisiin din,” paliwanag ng Senate chief.
“Bakit nga ba ang dami-daming sobrang pera ng Philhealth samantalang ang dami naman nating mga kababayan na hindi nakikinabang sa mga benepisyo ng PHilhealth? ‘Yun ang isang dapat masagot at mabigyan ng linaw rin dahil sayang kung dadagdagan na naman natin ang pondo ang PhilHealth tapos hindi naman nila gagamitin,” giit pa niya.
Aniya, magagamit ang naluluging P20 bilyon kada taon sa mas kinakailangan ng bansa.
“So dahil hindi nila ginastos ‘yan (unused funds) sa taong 2024, pagpasok ng January 1 (2025) eh nawalan na ng humigit kumulang P20 bilyon na pwede sanang mabili, mabayaran, paggastusan ‘yang pondong ‘yan ng Philhealth,” aniya.
Sinabi ni Escudero na may ilang programa at proyekto na kailangan bigyan ng prayoridad at pag-aralan habang tinatalakay ng Senado ang P6.352 trillion national budget, kabilang ang flood control initiatives sa gitna ng pagbaha sa Bicol region sanhi ng Severe Tropical Storm Kristine.
“Ang flood control budget ng DPWH (Department of Public Works and Highways), hindi lamang iyon ang problema. Ang problema ay kamusta naman ang pag-aaral natin kaugnay ng climate change and climate adaptation? Gaano ba kakapal dapat ang ating mga seawall? Gaano ba kataas ang ating mga seawall? Nagbabago ba iyan sa kada probinsiya, kada ilog, sa kada dagat na ginagawan natin ng seawall or river control? May ganoong uri ba ng pag-aaral man lang? Hindi ko alam kung ano ang sagot doon. So bahagi ng pagbubusisi hindi lamang flood control ng DPWH, pero pati na rin ung programa, kaalaman at research ng DENR (Department of Environment and Natural Resources),” aniya.
Iginiit ng Department of Finance (DOF) na nakatakda ang paggamit ng pamahalaan sa hindi nagagamit na government subsidy sa PhilHealth sa ilalim ng Republic Act No. 11975, o ang General Appropriations Act 2024.
Idinagdag pa ng ahensya na pinakamahusay na pamamaraan ang paggamit sa natutulog na pondo na pag-aari ng isang government-owned and controlled corporation na pondohan ang kinakailangang programa at proyekto ng pamahalaan tulad ng emergency allowances ng health workers, huling salary increases at benefits ng state employee kabilang ang ilang mahahalagang infrastructure projects.
Sa kanilang tugon sa petisyon sa Supreme Court na kumukuwestiyon sa paggamit ng natutulog na pondo ng PhilHealth, ikinatuwiran ng DOF sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General (OSG) na hindi nilalabag ang karapatan ng mamamayan sa kalusugan at dapat tugunan ng ahensya o Kongreso ang pangangailangan hinggil sa benefit package ng state health insurer.
Sa tugon, sinabi ni OSG na “the issue on the current configuration of PhilHealth’s benefit packages is a question of policy and beyond the jurisdiction of the Honorable Court. The questions of what to offer, whether to expand these offerings, in what manner to do so, and related matters, must, in the first instance, be left to the wisdom of the Executive and the Legislative.”
“Assuming that there are challenges, roadblocks, and shortcomings in achieving the purposes of the UHCA (Universal Health Care Act), the same are matters only of its implementation, and are not tantamount to a violation of the right to health, as erroneously espoused by petitioners,” ayon sa OSG. Ernie Reyes