MANILA, Philippines- Mariing tinututulan ni Basilan Rep. Mujiv Hataman ang panukalang inihain ni House Speaker Martin Romualdez na nagsusulong ng pagpapaliban Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) election sa May 2026.
Ang orihinal na petsa para sa.kauna-unahang BARMM election ay itinakda sa Mayo 2025.
Iginiit ni Hataman na bago pa man magkaroon ng pag-uusap para sa pagpapaliban ng eleksyon sa BARMM ay dapat magkaroon ng konsultasyon sa mga apektadong residente.
“Before we even entertain proposals to postpone the regional elections, extensive public consultations in BARMM should be undertaken to safeguard the right to suffrage of its citizens,” ani Hataman.
Nanindigan si Hataman na hindi dapat ipagpaliban ang eleksyon dahil maaapektuhan nito ang kaparapatan ng mga residente na pumili ng kanilang lider.
“Kailangan ba ito? Makatarungan ba ito? Ito ba ay mas mainam para sa karapatan ng mga mamamayan sa Bangsamoro? Ano ang implikasyon nito sa demokrasya natin?” giit pa ni Hataman kung saan sinabi nitong walang dahilan para sa pagpapaliban ng eleksyon.
Aniya, mismong ang Commission on Elections ay nagpahayag ng kanilang handaan na isagawa ang 2025 BARMM elections gayundin ang political at sectoral parties.
“Handa na ang Comelec. Handa na ang mga partido. At naniniwala ako na handa na ang mga mamamayan ng Bangsamoro region sa darating na halalan” pahayag pa ni Hataman.
Ipinunto pa ni Hataman na mismong ang Korte Suprema ang nagsabi sa desisyon nito sa Macalintal vs Comelec (GR 263590 at GR 263673) noong taong 2023 na ang halalan ay hindi basta-basta ipinagpapaliban at gagawin lamang ito sa ilalim ng ilang kondisyon.
“Malawakang public consultations ang ating kailangan para maipagpaliban ang halalan sa 2025 sa BARMM, at hindi lamang ng opinyon ng iilang resource persons na maiimbitahan sa loob ng mga bulwagan ng Senado at Kamara,” dagdag pa ng mambabatas.
“Nananatili ako sa aking posisyon na dapat matuloy ang halalan sa BARMM sa susunod na taon, sang-ayon sa esensya ng ating Konstitusyon at ng BOL. Walang tunay na demokrasya kapag hindi mamamayan ang pipili ng kanilang mga lider sa pamahalaan” pagtatapos ni Hataman. Gail Mendoza