Home NATIONWIDE PBBM hinimok ni Drilon, makialam na sa gusot sa Senate leadership

PBBM hinimok ni Drilon, makialam na sa gusot sa Senate leadership

1
0

MANILA, Philippines – Hinimok ni dating Senate President Franklin Drilon si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makialam na sa pagresolba sa tensyon sa Senado sa dalawang magkaibang paksyon.

“Kung hindi pa siya nakikialam, dapat na, at walang masama roon dahil ito ay sangay ng pamahalaan na dapat magtrabaho. Tungkulin ng Pangulo na tiyaking gumagalaw ang buong pamahalaan,” ani Drilon.

“Sa katunayan, sa ganitong hidwaan at problema, nakikialam talaga ang Pangulo. Alam ni Senator Cayetano ‘yan, alam ni Senator Gatchalian ‘yan,” dagdag pa niya.

Inalala ni Drilon ang panahon nang makialam si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa leadership dispute sa pagitan ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Rep. Lord Allan Velasco kaugnay sa kanilang term-sharing agreement sa Kamara noong 2020.

Nang tanungin kung ang pakikialam ni Marcos ay magpapakita lamang na ang Senado ay nakaasa sa Malakanyang, sinabi ni Drilon na ang ganitong mga pangamba ay bahagi ng political messaging.

“Naiintindihan ko ‘yan, kasama ‘yan sa ating pamumulitika, kasama ‘yan sa projection sa publiko. Ang katotohanan, nakikialam ang Malacañang kapag ganitong mga problema,” aniya.

Sa pinakahuling Facebook Live broadcast, binalaan ni Cayetano si Senador Sherwin Gatchalian sa pagpapagamit umano sa Malakanyang.

“Mag-ingat si Senator Win kasi maganda naman ang future niya. Huwag kang magpagamit sa Malacañang at doon sa mga kasamahan mo kahit binibigyan ka ng mataas na posisyon. I’ll give you the advice that someone I really respect gave me, which is: ‘Receive, don’t grab’.”

Itinanggi naman ni Gatchalian ang naturang mga alegasyon at sinabing ang mga desison sa Senate majority ay batay sa consensus.

“Wala namang nagpapagamit kahit kanino. In fact, yung mga kasamahan namin sa majority, consensus-building kami. Nag-uusap kami sa isa’t isa, nagbibigay ng payo,” sagot ni Gatchalian.

“Wala namang monopolyo ng talino at galing. Ang aking consensus ay bumalik tayo sa trabaho dahil matagal na tayong hindi nakakapag-usap kung ano ang mga dapat gawin para sa bansa,” dagdag pa ng senador.

Itinanggi na rin ng Palasyo na may bahagi umano si Marcos sa pagpapalit ng liderato ng Senado at iginiit ang prinsipyo ng separation of powers.

“Kung nakikialam ang Pangulo, hindi magkakaroon ng putukan at lock-and-load order noong May 13. Kung nakikialam ang Pangulo sa Senado, hindi makakatakas o makakalabas ng Senado si Sen. Bato; dapat naaresto na siya,” sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro.

“Lahat ng kaguluhan sa Senado, utos o may pahintulot ni Sen. Alan Peter Cayetano. Ang lahat ng nangyari riyan, pati ang putukan at ang pagbo-boycott, hindi dikta ng Pangulo. Kagagawan nila iyon. Huwag magkapit-tuko sa puwesto,” dagdag pa niya. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here