MANILA, Philippines- Namahagi si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Miyerkules, ng presidential assistance na nagkakahalaga ng P50 milyon sa 5,000 magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng kamakailan lamang na pananalasa ng Severe Tropical Storm Kristine (international name Trami) sa Camarines Sur.
Iniabot ng Pangulo ang P10,000 na financial assistance sa bawat benepisyaryo sa isang seremonya sa the Fuerte CamSur Sports Complex sa Pili, Camarines Sur.
“Umaasa ako na sa tulong at suportang iniaabot namin sa inyo ngayon, kayo ay magkakaroon ng sapat na kakayahan upang makabangon muli,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa mga biktima ng kalamidad.
“Talaga pong nagpupursige tayo na maibalik sa normal ang kondisyon sa lalong madaling panahon ang mga nasirang tahanan, imprastraktura, at kabuhayan nitong bagyo,” dagdag na wika nito.
Sa 5,000 benepisaryo, 600 ang mula sa munisipalidad ng Minalabac at 600 rin sa Nabua; 500 mula sa Milaor at 500 rin Bula; 450 mula San Fernando; 400 mula Gainza at 400 sa Baao; 350 mula Canaman; 250 sa Libmanan at 250 sa Camaligan; at 200 mula sa Calabanga at 200 sa Pili.
Ang financial aid ay palalawigin sa 100 residente sa bawat munisipalidad ng Pamplona, Bombon, at Magarao.
Bago pa dumating si Pangulong Marcos, pinalawig na ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang P247,442.25 na crop insurance payments sa 10 magsasaka na apektado ng Super Typhoon Julian (international name Krathon).
Ang crop insurance payments para sa mga magsasaka ng apektado ng Kristine ay kasalukuyang pinoproseso ng Philippine Crop Insurance Corp.
Malungkot namang inihayag ng Pangulo ang kasalukuyang nararanasan ng Pilipinas na masamang epekto ng climate change subalit tiniyak sa publiko ang kahandaan ng gobyerno para sa natural disasters.
Aniya, gagawa ang pamahalaan ng detalyado at proactive approach para bawasan ang epekto ng kalamidad.
“Kaya kailangan nating gumawa ng masusi at maagap na solusyon upang hindi na muling mangyari ang ganito kalaking pinsalang dala ng mga bagyo,” ang winika ni Pangulong Marcos.
“Nagbigay ako ng direktiba sa bawat ahensya ng gobyerno na gumawa ng mga stratehiyang akma sa ating pangmalawakang matinding pagbaha at maiwasan na ang ganyang klaseng baha sa kabila ng inaasahang pagbabago ng panahon,” aniya pa rin. Kris Jose