MANILA, Philippines- Patay ang isang indibidwal habang nasa lima hanggang anim ang sugatan sa banggaan ng anim na sasakyan sa corner ng Osmeña Highway at Zobel Roxas Street sa Makati City nitong Miyerkules ng umaga.
Ayon sa mga awtoridad, naganap ang aksidente bandang alas-12:55 ng umaga sangkot ang anim na sasakyan kabilang ang isang panel van, isang trailer truck, isang tanker, isang luxury SUV, at iba pa.
Kinumpirma ng mga pulis at rescue workers ang pagkasawi ng driver ng panel van dahil sa insidente.
Sugatan din ang dalawang pasahero ng panel van at agad na dinala sa ospital.
Nagdulot ng pagbigat sa daloy ng trapiko sa lugar ang aksidente, dahilan upang payuhan ang mga motorista na maghanap ng mga alternatibong ruta partikular sa mga patungo sa Manila area.
Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang insidente. RNT/SA