MANILA, Philippines – SWAK sa kulungan ang isang 32-anyos na lalaki matapos ireklamo nang panghahalay sa isang 17-anyos na grade 12 student sa Barangay Bagong Silangan, Quezon City, nitong nakalipas na Sabado, Hulyo 5 pasado alas 11:00 ng gabi.
Nabatid sa kuha ng CCTV, kita na naglalakad ang biktima nang sundan siya at akbayan ng suspek at pagsamantalahan.
Sinabi sa ulat na pauwi na sana ang biktima pagkatapos niyang bumili ng materyales para sa kanyang school project, ani PMaj. Gilbert Caducano, deputy station commander ng Payatas Bagong Silangan Police Station 13 ng Quezon City Police District.
“Nung sinundan siya ng suspek, inakbayan siya at tinutukan ng patalim. Syempre nagsisigaw po ‘yung biktima kaya sinabihan siya ng suspek na ‘Wag ka maingay. Papatayin kita.’ At pagkatapos po nun dinala po niya dun sa isang madilim na lugar sa loob din ng subdivision at dun nga po nangyari ‘yung krimen,” sabi ni PMaj. Caducano.
Kaugnay nito sa isa pang kuha ng CCTV, kita naman ang pagpasok ng suspek kasama ang biktima sa isang convenience store.
Dito na nakahingi ng tulong ang biktima sa ilang bystanders at sa napadaang mga pulis na nagpapatrolya hanggang sa naaresto ang suspek.
“Pagkatapos po kasi nung panghahalay, nanghingi po ‘yung suspek ng pera dun sa biktima. Ngayon initially nagbigay si victim ng 66 pesos and then nakulangan yata yung suspek, nanghingi pa ng additional kaya nagpunta sila sa convenience store para magpa- cash out and then ‘yun nga po since may mga tao dun sa convenience store, dun po nakahingi ng tulong ‘yung ating biktima and then habang humihingi siya ng tulong sakto dumating naman po ‘yung nagpapatrolya nating mga pulis kaya dun na po naaresto ‘yung suspek,” dagdag pa ni PMaj. Caducano.
Sinabi pa sa ulat ng pulisya napag-alamang nakainom ang suspek nang gawin ang krimen.
“Nung nangyari ‘yung insidente, naamoy nung ano victim na amoy alak yung [suspek]… Sinabi rin po kasi ng suspek na nakainom siya,” sabi pa ni PMaj. Caducano.
Nabatid na ilang linggo pa lamang umanong nagtatrabaho ang suspek sa lugar bilang construction worker.
Samantala matapos madakip ang suspek aminado naman ito sa krimeng nagawa.
Sinabi pa ng PNP, sumasailalim sa counseling ang biktima sa tulong ng WCPD sa Quezon City. Santi Celario