Home HOME BANNER STORY Grupo nanawagan sa nagtitinda ng LPG na ipatupad tamang presyo

Grupo nanawagan sa nagtitinda ng LPG na ipatupad tamang presyo

110
0

MANILA, Philippines – Nanawagan nitong Miyerkules ang Liquefied Petroleum Gas Marketers’ Association (LPGMA) sa mga nagbebenta ng LPG na itama ang kanilang presyo matapos suspendihin ng pamahalaan ang excise tax sa LPG at kerosene sa gitna ng mataas na presyo ng produktong petrolyo sa bansa. Ayon sa grupo, may ilan pa ring produkto na ibinebenta sa labis na mataas na halaga sa kabila ng tax relief.

Sa isang panayam, sinabi ni LPGMA founder Arnel Ty na dapat nasa P1,455 hanggang P1,567 ang kasalukuyang presyo ng LPG.

“Sa panahon ngayon after the reduction o suspension of the excise tax plus ‘yung pagbaba po ng crude oil, hindi po dapat umaabot ng gano’ng kalaking halaga,” ani Ty, na tumutukoy sa ilang LPG product na ibinebenta sa halagang P1,700.

Nanawagan din si Ty sa mga tindahan na baguhin ang kanilang price board. “Ang amin pong panawagan sa mga tindahan po ng LPG na may mga ganyang presyo ay kailangan po nilang baguhin ang kanilang price board dahil masyado pong mataas ‘yan,” dagdag niya.

Sinabi niya na nagpatupad na ng price adjustments ang mga miyembro ng LPGMA matapos ipahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagtanggal ng excise tax sa LPG at kerosene.

Ayon kay Marcos, “So sa ilalim ng kapangyarihan na binigay sa atin ng batas, tinanggal ko na ang excise tax sa LPG at sa kerosene.” Idinagdag pa niya, “Ang katumbas nito ay tatlong piso at tatlumpu’t anim ah how much is this? P3.36. P3.36 ang bawas ng kada kilo ng LPG. Halos P37 sa isang tangke ang mababawasan ng presyo. At P5… sorry, P5.65, P5.65 kada litro ng kerosene.”

Tutol naman si Ty sa panukala ni Senator Sherwin Gatchalian na magpatupad ng price cap sa LPG, dahil maaari umano nitong pigilan ang mga importer na mag-angkat ng suplay. Aniya, kung malayo sa presyo sa international market ang itatakdang cap, maaari itong humantong sa kakulangan ng produkto.

Ayon pa kay Ty, sapat ang suplay ng LPG sa bansa para sa humigit-kumulang 50 araw, lalo na’t bumaba ng 30% ang demand ngayong tag-init. Nauna nang sinabi ng Department of Energy na umorder ang pamahalaan, sa pamamagitan ng Philippine National Oil Company, ng 22,000 metric tons ng LPG, na inaasahang darating sa ikalawa hanggang ikatlong linggo ng Mayo upang palakasin ang buffer stock ng bansa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here