MANILA, Philippines – Binatikos ng Alliance of Concerned Teachers-National Capital Region (ACT-NCR) ang paulit-ulit na pag-asa ng gobyerno sa class suspensions tuwing may banta sa kalusugan o kalamidad, na tinawag nitong “band-aid solution” at patunay ng matagal nang kapabayaan sa sektor ng edukasyon.
“Influenza man ‘yan o lindol, ang ‘go-to solution’ na naman ng gobyerno ay suspension ng classes—indikasyon ito ng kapabayaan niya sa sektor ng edukasyon,” ayon sa pahayag ng ACT-NCR.
Giit ng grupo, ang ganitong patakaran ay nagpapakita ng kakulangan ng pangmatagalang solusyon upang matiyak ang kaligtasan at katatagan ng mga paaralan sa harap ng kalamidad o krisis pangkalusugan.
Nanawagan ang ACT-NCR ng mas mataas na pondo sa edukasyon, kabilang ang pagtatayo ng climate-resilient classrooms, pagpapaganda ng bentilasyon at pasilidad, at pagdaragdag ng mga guro at health personnel upang mabawasan ang siksikan sa mga silid-aralan.
Hiniling din ng grupo na tanggalin ang pork barrel allocations sa panukalang 2026 national budget at ilaan ito sa pagsasaayos ng imprastruktura at kaligtasan ng mga paaralan.
“Our students and teachers deserve schools that are safe, healthy, and prepared—not just reactive suspensions that highlight government failure,” dagdag ng ACT-NCR, na muling nanawagan ng sustained investment sa edukasyon upang hindi maging bulnerable ang mga paaralan at mag-aaral sa sakuna at banta sa kalusugan. Santi Celario