MANILA, Philippines – Muling nagsagawa ng kilos protesta ang mga grupo ng kabataan sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) upang ipanawagan ang agad na pagbasura sa mga gawa-gawang kasong sedition laban sa mga Youth leaders.
Ngayong Pebrero 4, ipinatawag ang mga kabataang lider upang humarap sa kasong sedisyon na isinampa laban sa ilang aktibista na lumahok sa protesta noong Setyembre 21.
Ipinahayag ni Assistant Minority Leader at Kabataan Rep. Atty. Renee Co ang kanyang pagkabahala sa paggamit ng batas laban sa militanteng kabataan.
“Anong pakinabang sa pambansang seguridad ng pagsampa ng kaso sa campus journalist, rapper, at student council officers na nag-cover o lumahok lang sa protesta kontra korapsyon? Kinurakot na nga ang pera ng taumbayan, sinasayang pa sa mga gawa-gawang kaso laban sa kabataan.”
“Ambilis habulin ng mga ordinaryong tao para takutin silang lumaban, pero pahirapan naman sa paghuli sa masterminds ng korap na sistema at pag-impeach ng mga pinunong sangkot dito,” dagdag pa ng solon.
Giit ng leader hindi kailanman naging seditious o subversive ang panawagan ng pagpapanagot sa mga tunay na kriminal sa gobyerno.
Sigaw ng grupo ng kabataan mula sa ibat-ibang pamantasan at komunidad na panagutin ang mga kurakot at sangkot ng korapsyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden