MANILA, Philippines – Kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nakapaloob sa draft at hindi pa opisyal na ulat ng Senate Blue Ribbon Committee ang mga pangalan nina Senador Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, at Chiz Escudero.
“I think ‘yung kay Joel at ‘yung kay Jinggoy accurate ‘yun na nandoon talaga sa listahan. Si Chiz, nasa second level nakalagay,” pahayag ni Sotto.
Ayon kay Sotto, may mga tinatawag na “levels” sa draft report ngunit tumanggi muna siyang ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin nito.
Binigyang-diin din niya na hindi pa opisyal ang ulat at kailangan pa itong talakayin ng komite.
Sinabi ni Sotto na magkakaroon ng caucus ang mayorya ng Senado at tatalakayin kung maaari nang ilabas ang ulat ngayong araw o kinabukasan.
Dagdag niya, ang pangunahing layunin ng komite ay magpokus sa mga panukalang batas at resolusyon upang hindi na maulit ang problema sa flood control.
Gayunman, inamin niyang hindi maiiwasang isama sa ulat kung sino ang dapat imbestigahan at kung sino ang maaaring kasuhan ng Ombudsman.
Samantala, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na tatalakayin ng mga miyembro ng Blue Ribbon Committee ang draft partial report at marami sa kanila ang nais munang unawain ang nilalaman nito bago pumirma dahil sa pagiging sensitibo ng mga isyu at personalidad na nabanggit.
Ayon kay Lacson, kailangan ng hindi bababa sa 11 lagda mula sa mga miyembro ng komite upang maging opisyal ang ulat at maipresenta ito sa plenaryo. Dagdag niya, bukas siyang makinig sa mga mungkahi ng mga kasapi hangga’t naaayon ito sa umiiral na imbestigasyon ng Department of Justice at Ombudsman. RNT/MND